“Aim High, Go for Gold, kunin ninyo ang gintong medalya sa sasalihan ninyong kompetisyon at inyo itong ialay sa inyong mga magulang at sa ating lungsod” -City Mayor Malou Flores-Morillo.

Pinangunahan ni Mayor Malou ang Send-off Ceremony para sa mga 78 atletang Calapeño na lalahok sa ‘Batang Pinoy 2022’ na gaganapin sa Vigan City sa darating na Disyembre 4-9, 2022.

Bilang suporta ng City Government of Calapan sa mga batang atletang pambato sa naturang sports events ay personal na ipinagkaloob ni Mayor Morillo sa pangangasiwa ng City Youth and Sports Development Department ang mga uniporme at allowances/honorarium sa mga athletes at kanilang mga trainers at coaches, ginanap sa Calapan City Plaza Pavilion, Oktubre 19,2022.

Ang mga batang lalahok sa kompetisyon na ito ay makikipagtagisan ng lakas at husay sa virtual at face to face sports events.

Kabilang sa virtual events na lalahukan ay ang taekwondo, wushu, dance sports at Arnis samantalang para sa face to face events ay ang table tennis, badminton, chess, athletics, cycling, swimming at archery.

Ang BATANG PINOY (Philippine Youth Games) ay isang National Sports Competition para sa mga batang Pilipino na may edad 15 pababa. Naglalayon itong matugunan ang ‘Grassroots Sports Program’ na nakatuon sa values formation sa larangan ng palaro o sports.

Ang BATANG PINOY ay programa sa ilalim ng National Sports Commission sa pakikipagtuwang sa Department of Education (DepEd), Department of Interior and Local Government (DILG), at ng League of Provinces, Cities, Municipalities and Barangays.

Nangako si Mayor Malou na dadalawin niya ang mga batang atletang Calapeño sa kanilang laban sa Vigan upang ipakita ang kanyang moral support sa mga ito.

Kanya ring pinasalamatan ang mga magulang sa kanilang patuloy na pagsuporta sa kanilang mga anak upang maging mahusay na manlalaro.