Huwebes, March 16 ganap na ika 4:52 ng hapon, isang tawag ang nakarating sa tanggapan ng City Disaster Risk Reduction and Management Department sa pamamahala ni Mr. Dennis Escosora hinggil sa umano’y bakas ng langis, na hinihinalang bahagi ng oil spill.
Matapos matanggap ang nasabing tawag, agad na bumalik ang CDRRMD sa Navotas, Villa Antonio kung saan namataan ang animo’y langis.
Matapos ang masusing ebalwasyon, positibong kinumpirma ng CDRRMD kasama ang PCG, PNP, ilang Brgy. Officials, Maritime, FMO at ni City Administrator Atty. Reymund Al Ussam, na ang mga bakas ng langis ay bahagi ng oil spill mula sa MT Princess Empress Tanker na lumubog noong ika-28 ng Pebrero sa pagitan ng karagatan ng Marinduque at Oriental Mindoro.
Dahil positibong nakumpirma na ang mga maninipis na bakas ng langis ay bahagi ng oil spill, ika-17 ng Marso agad nagpatawag ng pagpupulong ang pamahalaang lungsod na pinangunahan ni CA Atty. Reymund Al Ussam, kasama ang lahat ng konsernadong ahensya, opisina, tanggapan at mga indibidwal.
Umikot ang pagpupulong sa pagtukoy sa mga nararapat, angkop at agarang paraan kung paano tutugunan ang naturang oil spill na ngayon ay suliranin na rin ng lungsod.
Para sa kaalaman ng lahat, matapos makumpirma ang pag abot sa lungsod ng oil spill, agaran ang isinagawang full deployment ng pamahalang lungsod sa pangunguna ni City Mayor Malou Flores Morillo sa Coast Guard, FMO, CDRRMD, PNP, Maritime, at Brgy Officials sa shoreline ng Barangay Navotas Villa Antonio, Sitio Proper at Maidlang.
Matatandaang bago pa man makarating sa atin ang oil spill, nakapaghanda na ang ilan nating mga tanggapan gaya ng FMO, CASD, at ilan pang volunteers ng mga spill boom.
Sa pag abot ng oil spill sa karagatan ng Calapan, magsasagawa ang pamahalaang lungsod ng malawakan at masusing assessment at evaluation para sa magiging pamamahagi ng ayuda at tulong para sa mga lubhang maaapektuhan lalong higit ang ating mga mangingisda at mga residente at pamilyang nasa tabing dagat.
Sa kasalukuyan, pinapayuhan ni Dra. Lisa Llanto ng CHSD ang lahat ng residente na nasa apektadong lugar, na magsuot ng protective N95 Mask lalong higit ang mayroong mga respiratory conditions.
Nag-umpisa na din ang city government na mag-procure ng mga PPE’s, gloves at protective boots na siyang gagamitin upang maglagay, maglipat, at maglinis ng mga spill boom.
Sumulat na rin ang pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng CDRRMD sa mga gas stations at depot para sa mga large oil barrels/drum na maaaring paglagyan ng mga langis na makukuha at malilinis mula sa ating karagatan.
Bagamat hindi pa drastic ang naturang oil spill sa ating karagatan, minabuti at pinaalalahanan na din ng pamahalaang lungsod ang lahat na maging mapanuri at maingat sa pagbili ng mga lamang dagat, pansamantala ay maaring magsagawa ng sensory evaluation kung ang isda bang ating mabibili ay hindi pa amoy langis. Samantala, sa pagkakataon namang lumala ang kundisyon ng oil spill, magsasagawa na ang BFAR at City Economic Enterprise Department ng Fish Sampling Analysis.
Sinigurado naman ng DepEd na sila ay kaisa at magiging katuwang ng pamahalaan sa suliraning ito, sa katunayan, mayroon na raw paunang plastic bottles na naipon mula sa ilang paaralan sa Calapan, na maaring makatulong at magsilbing mga floaters.
Iminungkahi rin ni CA Atty. Ussam na makipagdayalogo sa religious sector upang makatulong rin at maging tuloy tuloy ang paggawa natin ng mga floaters para sa spill boom.
Ayon kay CA Atty. Reymund Al Ussam, para sa kaligtasan at kagalingan ng lahat, nararapat lamang na lahat tayo ay kumilos nang nagkakaisa at bilang isa.




