Dinaluhan ni City Mayor Malou F. Morillo ang pagbibigay ng parangal para sa mga nagwagi sa Iconic Tourism Site Development Plan Design Competition sa KALAP Hall, City College of Calapan nitong ika-4 ng Nobyembre.

Sa pakikipagtulungan sa Divine Word College of Calapan ay pinangunahan ng City Tourism, Culture and Arts Office ang nasabing paligsahan upang magbigay ng hamon sa mga mag-aaral ng DWCC College of Architecture na gumawa ng mga Iconic Tourism Site Development Plan para sa sampung potential tourism sites sa lungsod.

Nagtagumpay na masungkit ang unang pwesto ng grupo nina Janina Madrigal, Cris Harold Kawaen, Princess Joie Escalona, Jhonelle Jabat, at Leslie Anne Manalo sa kanilang OMNHS Mangrove Park Development Plan na tinatawag nilang LIKA o Liwasang Kalap.

Samantala, nakamit naman ang ikalawang pwesto ng Silonay Mangrove Ecopark Phase II Development team na tinawag naman nilang Yugto at pangatlo naman ang AGOS o Attraction for Generations developed through Organic Structures for people’s Solace ng Caluangan Lake Eco Park Development team.

Sa tulong ng mga hurado na binubuo nina Arch. Elmer C. Villas, Arch. Francis Neil Quijano, at Engr. Benjamin Acedera, ay natukoy ang tatlong grupong may pinakamagandang development plan na nakatanggap naman ng PhP 10,000 sa unang pwesto, PhP 7,000 sa ikalawang pwesto, at PhP 5,000 sa ikatlong pwesto.

Kabilang ang paligsahang ito sa hangarin ng Punong Alkalde na maging ganap na Green City ang Lungsod at mapaigting ang Turismong TaMA (Turismong Alay sa Mamamayan) “Turismo. Trabaho. Mamamayan”. Gayundin, ang mga disenyo ay sinisigurong makikita ang pagpapaigting ng three pillars of the Green City Calapan – Economy, Equity, and Environment. Kaya naman isinaalang-alang ang pagkakaroon ng mga open at green spaces na modern pa din ang estilo at habang napapanatili ang kaayusan ng kapaligiran.

Kaya naman talagang napabilib ang Punong Alkalde sa naipamalas na galing at pagkamalikhain ng mga mag-aaral mula sa DWCC. Aniya, ang mga konsepto na ipinasa nila ay pagsasamahin sa isang portfolio at ipiprisinta din sa mga investors ng lungsod nang sa gayon ay makita ang kagalingan ng mga future architects ng Oriental Mindoro.