Sa murang edad ay nababatid na ng mga Kabataang Calapeño ang importansya ng agrikultura sa buhay ng tao at sa pangkalahatang paglago ng ekonomiya.
Kung kaya naman todo buhos ang suportang ibinibigay ng kasalukuyang administrasyon ni 𝗖𝗶𝘁𝘆 𝗠𝗮𝘆𝗼𝗿 𝗠𝗮𝗹𝗼𝘂 𝗙𝗹𝗼𝗿𝗲𝘀-𝗠𝗼𝗿𝗶𝗹𝗹𝗼 sa sektor ng kabataan na layunin ay maging katuwang ng pamahalaan sa pagpapalago ng agrikultura sa lungsod ng Calapan.
Ang 4-H Club Calapan City Federation na pinamumunuan ni 𝗠𝗿. 𝗚𝗶𝗼 𝗘𝗮𝗿𝗹 𝗟𝗮𝗴𝘂𝗲𝗿𝘁𝗮, 𝑭𝒆𝒅𝒆𝒓𝒂𝒕𝒊𝒐𝒏 𝑷𝒓𝒆𝒔𝒊𝒅𝒆𝒏𝒕 ay naglunsad ng 𝗔𝗡𝗜𝗞𝗔𝗕𝗔𝗧𝗔𝗔𝗡 𝟮𝟬𝟮𝟯: “𝑺𝒖𝒍𝒐𝒏𝒈 𝑨𝒈𝒓𝒊𝒌𝒖𝒍𝒕𝒖𝒓𝒂, 𝑻𝒂𝒚𝒐 𝒂𝒏𝒈 𝑩𝒊𝒅𝒂”, isinagawa sa Barangay Personas at Barangay Baruyan, Nobyembre 25-26, 2023.
Layunin ng programang ito na imulat ang kamalayan ng mga kabataang miyembro sa iba’t ibang adbokasiya ukol sa kalikasan at agrikultura.
Sa Barangay Personas ay sinimulan ang programa sa isang Clean Up Drive na sinundan ng iba pang aktibidades tulad ng Sports Festival (Palaro ng Lahi), Photography Contest, 4H Inspiring Story, 4H Quiz Bee at Search for Mr. & Ms. AniKabataan 2023.
Samantalang sa Barangay Baruyan ay nagkaroon ng Unity Dance at dito rin isinagawa ang pinakatampok na Harvest Festival, na kung saan ay kasama si City Mayor Malou Flores-Morillo at iba pang opisyales ng barangay ay sama-samang nagtungo sa 4H Farm ang mga kabataan upang anihin ang mga gulay na sila rin ang nagtanim at nag-alaga.
Sa isang simpleng palatuntunan na isinagawa sa covered court ng Barangay Baruyan ay sinabi ni Mr. Gio Earl Laguerta na kanyang inaasahan na matapos ang programa kanilang inilunsad ay mas lalong higit na magiging produktibo ang kanilang mga miyembro dahil sa mga bagong kasanayan na kanilang natutunan mula dito. Bilang siyang kinatawan ng 535 na miyembro ng 4H-Club Calapan City Federation na kinabibilangan ng pitong barangay (Baruyan, Buhuan, Batino, Canubing I, Nag-iba I, Personas, Puting Tubig) ay kanilang ipinapaabot ang pasasalamat kay City Mayor Malou Flores-Morillo. Aniya, ramdam nila ang masidhing pagnanais ng Punong Ehekutibo na sila ay matulungan na gawing matagumpay ang pagsasakatuparan ng kanilang mga adhikain.
Lubos namang ikinagalak ni City Mayor Morillo ang naging saloobin ng mga kabataan na maging katuwang ng kanyang administrasyon na mapalakas ang sektor ng agrikultura na bahagi rin ng kanyang pangarap na 𝑮𝒓𝒆𝒆𝒏 𝑪𝒊𝒕𝒚 𝒐𝒇 𝑪𝒂𝒍𝒂𝒑𝒂𝒏. Kanya ring binigyang katiyakan na palagi siyang aalalay sa anumang naisin ng kanilang samahan sa pamamagitan paglalaan ng pondo at pagtulong upang maibenta ang kanilang produkto.
Naroon din upang makibahagi sa naturang gawain ang mga opisyales ng Barangay Baruyan sa pangunguna ni 𝗕𝗮𝗿𝗮𝗻𝗴𝗮𝘆 𝗖𝗮𝗽𝘁𝗮𝗶𝗻 𝗛𝗲𝗻𝗿𝘆 𝗟𝗮𝗴𝘂𝗲𝗿𝘁𝗮-𝗗𝗿𝗶𝘀 gayundin si 𝗠𝗿. 𝗧𝗼𝗻𝘆 𝗝𝘂𝗻𝗴, 4𝑯-𝑪𝒍𝒖𝒃 𝑲𝒐𝒓𝒆𝒂 𝑹𝒆𝒑𝒓𝒆𝒔𝒆𝒏𝒕𝒂𝒕𝒊𝒗𝒆.
Ang 4H-Club Calapan City Federation ay ginawaran ng Pamahalaang Panlalawigan ng parangal bilang 𝑮𝑰𝑵𝑻𝑶𝑵𝑮 𝑲𝑨𝑩𝑨𝑻𝑨𝑨𝑵 2023 (𝑶𝒖𝒕𝒔𝒕𝒂𝒏𝒅𝒊𝒏𝒈 𝒀𝒐𝒖𝒕𝒉 𝑶𝒓𝒈𝒂𝒏𝒊𝒛𝒂𝒕𝒊𝒐𝒏-𝑮𝒓𝒐𝒖𝒑 𝑪𝒂𝒕𝒆𝒈𝒐𝒓𝒚), samantalang si Gio Earl Laguerta ay kinilala bilang 𝑮𝑰𝑵𝑻𝑶𝑵𝑮 𝑲𝑨𝑩𝑨𝑻𝑨𝑨𝑵 2023 (𝑳𝒆𝒂𝒅𝒆𝒓 – 𝑰𝒏𝒅𝒊𝒗𝒊𝒅𝒖𝒂𝒍 𝑪𝒂𝒕𝒆𝒈𝒐𝒓𝒚).