‘Sa Unang 100 Araw ng Panunungkulan’
Taliwas sa tradisyunal na ‘Pag-uulat sa Bayan’ ng ibang pulitiko na karaniwang ginagawa sa magarbong entablado, sa Unang 100 Araw ng Panunungkulan ni City Mayor Malou Flores-Morillo ay ginawa niyang simple ngunit makabuluhan ang kanyang ‘Ulat sa Bayan’ o ‘State of the City Address’ (SOCA), Oktubre 17, 2022, Sangguniang Panlungsod Session Hall.
Kaalinsabay ito ng 15th Regular Session ng 9th Sangguniang Panlungsod na dinaluhan ng mga Kagalang-galang na Mambabatas ng Lungsod sa pangunguna ni City Vice Mayor at Presiding Officer Rommel “Bim” Ignacio.
Mula sa Ehekutibong Sangay ay buong pwersa na sumuporta ang mga Department Heads, Program Managers, Consultants at mga empleyado sa pangunguna ni City Administrator Atty. Reymund Al Ussam.
Dumalo din sa mahalagang araw na ito ang mga Punongbarangay, mga kagawad, opisyales at representante ng ahensyang nasyunal, mga kabalikat mula sa pribadong sektor at mga samahan.
Naging laman ng ulat ni Mayor Malou ang kanyang mga programa at proyektong naipatupad sa loob ng mahigit tatlong buwan bilang City Mayor ng Calapan.
Una dito ay ang SERBISYONG PANGKABUHAYAN, na kung saan ay maraming Calapeño mula sa ibat-ibang sektor ang nabigyan ng trahaho, alternatibong pagkakakitaan at livelihood and skills training bukod pa riyan ang naghihintay na traho abroad sa South Korea.
AYUDA PARA SA MGA MAGSASAKA, gaya ng subsidiya sa binhi at fertilizer, crop insurance, at marketing assistance.
PAGLAGO NG TURISMO, sa pamamagitan ng paglinang sa likas-yaman ng lungsod at gawin itong atraksyon bilang lugar pasyalan at sentro ng turismo.
Na, sa tulong ng City Tourism Website ay higit na maipapakilala sa mga turista ang programa, sining, kasaysayan, kalikasan at buhay ng mga Calapeño.
Dahil sa mga hakbang na ito ay hindi maikakaila na nagsisimula na muling umangat ang ating ekonomiya mula sa pagkakalugmok sa pandemya.
PAGKALINGA SA KALIKASAN, ilang kautusan ang nilagdaan upang bigyang pangil ang mga patakaran sa pangangasiwa ng basura at pagpapatupad ng environmental laws.
Mas pinalakas ang pakikipagtuwang sa ibat ibang organisasyon sa adbokasiyang makakalikasan.
PANG-ALALAY SA SERBISYONG PANLIPUNAN, tumulong sa mga mahihirap na Calapeño sa pamamagitan ng ayudang pinansyal, pangkalusugan, medical, suportang ligal at pagkain.
Lalo’t higit sa mga kabilang sa bulnerableng sektor gaya ng senior citizens, mga bata, may kapansanan, solo-parents at kababaihan.
KALUSUGAN PARA SA LAHAT, nagpapatuloy ang Socialized Medical Health Care Program sa pagbibigay ng libreng hospitalization, laboratory procedures at ilan pang ayudang medikal gaya ng Community Mental Health Program.
Espesyal na atensyon ang ibinibigay para sa mga Differently-Abled Persons. TULONG PANG-EDUKASYON, sa EduKalinga, isinusulong ang mataas na kalidad, mapagmalasakit at inklusibong para sa nangangailangan gayundin ang pagtugon sa pangangailangan ng mga paaralan.
BINIGYANG PANSIN ANG PROGRAMANG PANGKABATAAN AT PAMPALAKASAN, agad inilunsad ang TAMA Sports Clinic, Music and Arts Workshop at TAMA Fitness for All Program. Binalangkas ang 5-Year Youth Development Plan para sa pagpapalakas ng programa sakapakinabangan ng mga kabataan.
SERBISYONG TAMA PROGRAM, naabot ng serbisyo at programa ng City Government ang mga nasa malalayong barangay sa pamamagitan ng ‘Barangay Caravan’ at may umaalalay na rin sa mga pasyente na nagpapagamot sa OMPH.
PAGGAWAING PANG-IMPRATRUKTURA, maikli man ang 100 araw subalit may sampung proyektong napondohan at sisimulan nang ipatupad. May Maintenance Team sa ilalim ng Engineering Department ang mabilis na tumutugon sa pangangailangan ng mga barangay.
‘GREEN CITY OF CALAPAN, nakatuon sa tatlong haligi, Kabuhayan, Kalikasan at Kagalingan ng Bawat Mamamayan.
Nakapaloob na ito sa Comprehensive Development Plan- Executive Legislative Agenda. Kumikilos ang Administrasyong Morillo sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga konsernadong ahensya tulad ng Asian Development Bank, UN Organizations, NEDA at Akademya para sa pagtitiyak na maipapatupad ang mga programang nakapaloob dito na ngayon ay unti-unti nang nagkakaroon ng katuparan.
Kinilala naman ni City Mayor Morillo ang pagsuporta ni Vice Mayor Ignacio sa bawat proyekto at programang kanyang ipinatutupad katuwang ang buong Sangguniang Panlungsod ng Calapan.
Kanya ring pinasalamatan ang mga Department Heads, Program Managers, Consultants at lahat ng empleyado ng Pamahalaang Lungsod na aniya’y tunay na nagpagod para maibigay sa Taumbayan ang serbisyong Tapat at May Malasakit.




