Matagumpay na binigyang daan ng pamunuan ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) sa pangunguna ni Ms.
Ruelita D. Nilo (PCIC Underwriter, Naujan-Puerto Galera) at Pamahalaang Lungsod ng Calapan, sa pamamagitan ng City Agricultural Services Department na pinamumunuan ng Hepe nito na si City Mayor Marilou Flores-Morillo ang pagsasagawa sa unang bahagi ng pagbibigay ng insurance, para sa mga hog raiser na naapektuhan ng African Swine Fever sa lungsod ng Calapan, gayundin para sa mga magsasaka, ginanap sa Demo Farm, Barangay Biga, nitong ika-15 ng Pebrero.
Nasa kabuuang PhP 402,050.00 ang ipinagkaloob para sa unang sampung (10) hog raisers na naapektuhan ng ASF, kung saan naka-insured ang kanilang mga ipina-depopulate na alagang baboy, samantalang dalawampung (20) rice farmers naman ang napagkalooban din ng insurance mula sa inilaang PhP 133,400.00 na naisakatuparan lahat, bunga ng pagsusumikap ng Punong- lungsod sa pakikipag-ugnayan sa PCIC.
Dagdag pa rito, financial assistance at livelihood program naman ang isinusulong din ni Mayor Morillo, bilang suportang tulong, para sa mga apektadong nag-aalaga ng baboy na nakapag-report at nakiisa sa Lokal na Pamahalaan, kaugnay sa pagde-depopulate ng mga alagang baboy, para sa pagsugpo ng ASF.