Ang Mayors for Good Governance (M4GG), na binubuo ng 157 alkalde mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Pilipinas, ay mahigpit na sumusubaybay sa kasalukuyang deliberasyon para sa 2024 National Budget.
Mabigat ang ating mga problema ngayon: tumataas na presyo ng mga bilihin, matamlay na agrikultura, lumalalang krisis sa transportasyon, at tumitinding isyung pang-seguridad. Mula sa mga nabanggit, kami ay nananawagan sa mga mambabatas sa Kongreso at Senado na maging mas mabusisi at maingat sa pagbalangkas ng national budget. Idirekta ang unnecessary expenditures sa mga programang makatutulong sa mga maliliit na bayan, sa mga magsasaka’t mangingisda, sa mga konsyumer, at sa iba pang mga programa na mangangalaga ng kaayusan at kapayapaan sa ating bansa.
At sa huli, nananawagan din tayo sa mga lider ng ating pamahalaan na maging mas responsable at tapat sa paggastos ng pera ng taumbayan. Ngayong higit 14 trilyong piso na ang utang ng ating bansa, mas kinakailangang bigyang pansin ito at gamitin ang natitirang pera ng bayan nang maiwasan nang umasa sa pangungutang.
Tayong mga lingkod-bayan ay tinatawag ngayon na magkaisa at sabay-sabay na tumungo sa landas ng mabuting pamamahala. Simulan natin ito sa isang national budget na walang bahid ng katiwalian at totoong tututok sa pangangailangan ng bawat Pilipino. Ang pera ng taumbayan, dapat gastusin lamang para sa taumbayan.