Dahil sa maulang panahon, nauuso ngayon ang mga sakit gaya ng sipon, ubo, lagnat at trangkaso.
Bilang Ina ng Lungsod, isa sa naging hakbang ni Mayor Malou Flores Morillo upang lubos na matulungan ang mga Calapeño na makaiwas sa mga nabanggit na sakit, naghatid siya sa mga barangay sa lungsod ng libreng Flu Vaccine.
Mula ika-6 hanggang ika-10 ng Enero, nakapagbigay na ng bakuna ang City Government sa mga Barangay ng San Vicente, Sto. Niño, Camilmil, Ibaba, Panggalaan, Bucayao, Managpi, Batino, Gulod, Camansihan, Ilaya, Libis, Pachoca, Balite, Comunal, Personas, Biga, Canubing, Patas at Balinggayan.
Ayon kay Mayor Malou, “Mahalagang magpabakuna kontra flu o trangkaso upang maprotektahan ang iyong sarili gayundin ang pamilya mo.”
Ang trangkaso o flu ay isang nakakahawang karamdaman sa paghinga na dulot ng mga influenza virus na nahahawaan ang ilong, lalamunan at minsan ang mga baga. Maaari itong magdulot ng mild o katamtaman hanggang severe o malubhang sakit.