BASURA, GINAWANG OBRA!

Sa pinagmamalaking Kalap Creativity Fair 2024, ipinakita ng mga taga-Calapan ang walang katulad na pagkamalikhain at malasakit sa kalikasan sa pamamagitan ng magarbong disenyo at obra mula sa mga plastic bottles at iba pang basura. Ang malikhaing ideya na ito ay pinangunahan ng kilalang design at arts guru na si Ronald King, na nag-conceptualize sa paghubog ng dome mula sa mga nakalap na plastic bottles. Centerpiece sa venue ng fair ang likhang ito ni Ronald at talagang agaw pansin sa mga bisita. Nakaangkla pa rin sa proyektong ito ang ‘Green City of Calapan’ Program na inisyatiba ng Ina ng Lungsod Mayor Malou Flores-Morillo na may layuning isulong ang pagpapanatili ng kalinisan at disiplina sa buong kalungsuran at maigting na pagpapatupad ng ban sa mga single-use plastics—na ngayon ay makikitang may produktibong kinahihinatnan at aktwal na nagagamit bilang mga sining. Ang Lunsod Lunsad Kalap Creativity Fair ay nagpapatunay na ang Calapan ay isang tunay na Creative City na maipagmamalaki ng mga taumbayan at isang huwaran para sa iba pang mga lungsod. Mula sa basurang nakolekta at nilikha, umusbong ang mga obra na sumasalamin sa pangarap ng isang luntiang Calapan, na may malasakit sa kalikasan at pagpapanatili ng likas na yaman.