Dalawa na namang floating assets ang napadagdag sa pag-aari ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan na aambag sa pagtitiyak na
mababantayan ang dagat at lawa sa lungsod matapos pormal na isagawa kahapon, Hulyo 4, 2024 ang turn over ceremony para sa 2 units of 18 footer fiberglass reinforced plastic boat with 4 marine engines na ang bawat isa ay nagkakahalaga ng halos P125,000.
Sa Barangay Tawagan na sumasakop din sa Caluangan Lake (dating Baruyan River) naganap ang Memorandum of Agreement Signing sa pagitan ng City Government of Calapan na kinatawan nina City Mayor Marilou Flores-Morillo at Mr. Robin Clement Villas, OIC-City Fisheries Management Officer at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR MIMAROPA) sa pamumuno ni Mr. Emmanuel H. Asis, Regional Director na kinatawan naman ni Ms. Brenda Labiaga, OIC- Provincial Fisheries Officer Oriental Mindoro.
Naging saksi sa naturang MOA Signing ang mga kasapi ng Bantay Dagat ng Calapan City, Fisheries Law Enforcement Group ng BFAR, mga kawani ng FMO at mga residente ng Barangay kabilang na ang ilang opisyales ng Samahan ng mga Masisipag na Residente ng Tawagan para sa Turismo (SMARTT).