Malusog na araw ng Lunes, unang araw ng Hulyo, isinagawa ng Pamahalaang
Lungsod sa pangunguna ni Calapan City Mayor Malou-Flores Morillo ang 50th Nutrition Month Celebration sa pamamagitan ng City Health and Sanitation Department sa pamamahala ni Dr. Basilisa M Llanto (City Health Officer).
Ang nasabing Buwan ng Nutrisyon ay may layuning itaas ang kamalayan ng taumbayan sa tamang nutrisyon, mapabuti ang kanilang kalusugan, mahikayat sila na kumain ng masustansyang pagkain at upang malabanan ang malnutrisyon na nararanasan ng ilan nating mga kababayan.
Ayon sa Alkalde, patuloy ang kanilang pagkakasa ng mga pagpupulong at dayalogo sa iba’t ibang konsernadong indibidwal, opisina, tanggapan at departamento upang matagumpay na maisakatuparan ang lahat ng mga programang pangkalusugan ng taumbayan.
Ang naturang pagdiriwang tuwing Hulyo ay alinsunod sa Proclamation No. 491 s. 1974 na pinirmahan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Naging lubos naman ang pasasalamat ng Ina ng Lungsod sa lahat ng nanguna at nakiisa sa naturang pagdiriwang gaya nina Glenda Raquepo RN – City Nutrition Action Officer, Ma. Imee Celestino – City Nutrition Program Coordinator, Dr. Ma. Teresita N. Bolor – Rural Health Physician at ilan pang dedicated na City Doctors, City Dentist at City Nurses, mga masisipag na Punong Barangay, BNS, BHW, Midwives, People’s Council, SARILAYA, at madami pang iba.