2ND QUARTER INTER-AGENCY COMMITTEE HEARING

Pinangunahan ng DSWD 4P’s Family nitong ika-28 ng Hunyo ang 2nd Quarter Inter-Agency Committee Hearing

na dinaluhan ni City Mayor Marilou Flores-Morillo, kasama ang mga kinatawan ng iba’t ibang departamento ng lokal na pamahalaan ng Calapan. Ang pagpupulong na ito ay bahagi ng patuloy na pagtugon ng pamahalaan sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), na naglalayong magbigay ng suporta sa mga pamilyang nangangailangan.

Sa nasabing pagpupulong, inanunsyo ang magandang balita na may mga miyembro ng programa na magtatapos na. Ang pagtatapos na ito ay tanda ng kanilang kakayahan at progreso sa buhay, bunga ng tulong at pagsuporta ng 4Ps. Ang mga nagtatapos na miyembro ay simbolo ng tagumpay ng programa sa pagtulong na maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga benepisyaryo.

Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Mayor Morillo ang kanyang pagbati at suporta sa mga nagtatapos. Bukod dito, inanunsiyo rin ni Mayor Morillo na patuloy ang lokal na pamahalaan ng Calapan sa pagsasagawa ng mga livelihood program na makakatulong sa mga miyembro ng 4Ps na nagsisipagtapos. Layunin ng mga programang ito na magbigay ng dagdag na oportunidad sa mga benepisyaryo upang sila ay magkaroon ng mas matatag na kabuhayan at mas mataas na kalidad ng pamumuhay.