Sa pangunguna ng Philippine Statistics Authority (PSA) Oriental Mindoro, sa pamumuno ni Ms. Donna Marie D. Mobe
(Supervising Statistical Specialist) Officer-in-Charge, matagumpay na naidaos ang Press Conference, kaugnay sa “May 2024 Inflation Report”, ginanap sa PSA OrMin Provincial Statistical Office, Barangay Camilmil, Calapan City, nitong ika-11 ng Hunyo.
Sa naging ulat, inihayag na bumaba ang kabuuang inflation sa 3.1 percent noong Mayo 2024 mula sa 3.2 percent noong Abril 2024, kung saan dahil dito, 2.8 percent ang provincial average inflation mula Enero hanggang Mayo 2024, samantalang kung ikukumpara noong Mayo 2023, mas mataas ang inflation rate sa lalawigan na may 8.8 percent.
Ayon sa PSA OrMin, ang dahilan ng mabagal na pagtaas ng inflation ay ang mabagal na pagtaas ng presyo ng ilan sa mga Food and Non-Alcoholic Beverages (1.7%), katulad ng cereal products, gayundin ang Furnishings, Household Equipment and Routine Household Maintenance (1.9%) at medicines & assistive products sa Health (4.8%).
Samantala, kasama naman sa pangunahing kontribyutor sa pagtaas ng inflation ang Food and Non-Alcoholic Beverages (1.7%) partikular ang bigas, karne at ready-made food & other food products N.E.C., gayundin ang Restaurants and Accomodation Services (12.4%) at Housing, Water, Electricity, Gas, and other fuels (3.5%).
Dagdag pa rito, nananatili at wala namang naitalang pagbabago sa galaw ng antas pagdating sa Education Services (3.0%) at Financial Services (-0.1%) noong Abril at Mayo 2024.