PAGBISITA SA BARANGAY BALINGAYAN

Kahit na araw ng pahinga ni Mayor Malou Flores-Morillo, hindi siya nag-atubiling maglaan ng oras upang personal na

bisitahin ang kanyang mga kababayan sa Barangay Balingayan noong ika-15 ng Hunyo. Ang masipag at mapagmahal na Ina ng lungsod ay ninais na direktang marinig ang mga hinaing at pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan.

Sa kanyang pagbisita, nakasalamuha ni Mayor Morillo sina Tatay Francisco Bautista, 66 taong gulang, at Kuya Roberto Bautista, 30 taong gulang. Ang dalawang mamamayan na ito ay simbolo ng marami sa ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong at suporta mula sa pamahalaan. Bilang pagtugon sa kanilang mga pangangailangan, personal na ibinigay ni Mayor Morillo ang kanyang munting regalo mula sa lungsod — isang wheelchair para kay Tatay Francisco at isang toilet bowl kasama ang mga materyales para maipagawa naman ni Kuya Roberto ang kanilang palikuran.

Ang ganitong mga pagkakataon ay nagpapakita hindi lamang ng malasakit ni Mayor Morillo sa bawat Calapeño kundi nagbibigay rin ito ng pagkakataon para sa mga mamamayan na maiparating ang kanilang mga hiling at pangarap . Ang pagbisita ni Mayor Morillo ay patunay ng kanyang dedikasyon sa pagbibigay ng Serbisyong Tama at tunay na pagkalinga sa bawat isa, anuman ang kanilang kalagayan sa buhay.