Isang balita na naman ang tumuldok sa mga haka-haka at napasinungalingan ang akusasyon ng ilang indibidwal patungkol sa pensyon ng mga Senior Citizens ng lungsod ng Calapan.
Ngayong araw, May 13, 2024, inanunsiyo sa Facebook live ni Calapan City Mayor Malou Flores-Morillo ang pagdating ng social pension para sa mga Senior Citizens. Matatandaang hindi rin nakaligtas ang butihing Mayor sa fake news na diumano’y matagal nang nasa Calapan LGU ang kanilang pensyon.
Isinapubliko ang tsekeng nagmula sa pamahalaang nasyonal na may petsang May 6, 2024, at napasakamay ng City Government noong May 7, 2024. Pagpapatunay na nito lamang natanggap ng LGU ang pondo para sa pensyon ng mga Senior Citizen.
“Sana po sa aking mga katulad na senior citizen, huwag po kayong maniniwala sa mga sabi-sabi, dahil ang lahat po ng pensyon ay nanggagaling po sa national government. Hindi po kami nagtatago [ng pera], hindi po namin ginagamit [ang pera], dahil bawal po ito. Lawakan pa po ninyo ang inyong pag-unawa, dahil habang ako po ang inyong Mayor, ay hindi ko po kayo pababayaan.” -City Mayor Malou Flores-Morillo.