“Parang kaylan lamang nang kayo ay mabuo at magsama-sama sa iisang layunin na ako ay suportahan sa aking kandidatura. Ngayon nga na nagtagumpay na tayo ay unti-unti na nating tinatamasa ang inaasam na pagbabago.

Kayong mga Kabataan ay may malaking ambag sa kinatatayuan ko ngayon, kung kaya naman asahan ninyo na hindi ko kayo pababayaan”, bahagi lamang yan ng naging mensahe ni City Mayor Malou Flores-Morillo nang dumalo ito isinagawang Leadership Training, Consultation and Planning na bahagi ng 1st Year Anniversary ng Kabataang Malupit na ngayon ay tinatawag ang kanilang grupo bilang ‘KISLAP-KALAPHENYO’, Disyembre 11, 2022 sa Divine Mercy Parish Function Hall, Barangay Pachoca Calapan City. Ang KISLAP-KALAPHENYO (Kabataang Inspirasyon ng Lipunan sa Pag-unlad-Kalapenyong Henyo) ay samahang naglalayon na makapagbigay ng inspirasyon sa mga kabataan at maging kaisa ng lipunan sa usaping kaunlaran.

Magiging katuwang din ito ng Pamahalaang Lungsod sa pagkamit ng masigla at maunlad na Sektor ng Kabataan kaakibat ng maganda at kaaya-ayang luntiang kalikasan sa hinaharap. Sa pamamagitan ng pagbaba sa bawat barangay sa Calapan ay mapapalakas at maisusulong ang mga layunin at adbokasiya ng samahan gaya ng Capacity, Awareness Symposium, Team Buildings, Educational Empowerment Seminars, Environmental Related Movements at iba pa.

Ang Leadership Training na dinaluhan ng mga 82 Chapter Heads at Youth Leaders mula sa ibat-ibang Barangay sa Calapan ay pinangasiwaan ng Philippine National Red Cross sa pamamagitan ni Ms. Hermielyn Magturo. Samantalang ang Consultation and Planning Workshop ay inorganisa ng mga bago at datihang opisyales ng samahan.

Kabilang sa mga planong nabuo at inaasahang maipatutupad sa susunod na taon ay nakatuon sa Sustainability Program gaya ng tree planting, clean-up drive, waste management at youth consultation. Fund Raising Projects katulad ng raffle, Zumba for a cause, fun run at arts and literature. Pinaplano rin nila na magkaroon ng mga Competitions sa pamamagitan ng ‘Likha-henyo – paglikha ng mga bagay na maaaring makatulong sa pangmatagalang panahon na gawa sa niresiklong materyal na maaari ring pagkakitaan ng mga kabataan at ng komunidad.

Ang pagkakaroon ng Clean and Green Vlog Contest at Community Garden Contest ay kasama din sa mga nakaplanong proyekto ng mga kabataan. Upang ganap na magkaroon pagkakakilanlan, ang KISLAP-KALAPHENYO ay nakatakda nang marehistro sa Securities and Exchange Commission sa pangalan ng mga bagong talagang mga opisyales nito: President- Angelico Ulayan; Vice President-Trisha Joy Ramos; Treasurer-Katherine Gamayo; Assistant Treasurer-John Mark Horquia; Secretary-Gian Xyrus Cabigan; Under Secretary- John Gabriel Villanueva.

Sa matagumpay na mga gawing ito na bahagi ng unang taong anibersaryo ng KISLAP-KALAPHENYO ay kanilang pinapasalamatan ang mga opisina at mga sumusunod na personalidad: City Mayor Malou Morillo, Vice Mayor Bim Ignacio, City Councilors Atty. Ricka Goco at Atty. Jel Magsuci, CA Atty. Reymund Al Ussam, Mr. Marvin Panahon, Mr. Orlan Maliwanag, Mr. Avelino Tejada, Mr. Torio Magnaye at ang Serbisyong Tama Center.

Ang pagbisita ni Mayor Malou sa nasabing gawain ng mga kabataan ay nagbigay ng karagdagang motibasyon upang maging masigasig na katuwang ng Pamahalaang Lungsod sa pagtataguyod ng kagalingan ng Sektor ng Kabataan (Junard Acapulco/CIO).