




Sa harap ng punum-punong Calapan City Coliseum, pinatunayan ng Mindoro Tamaraws ang kanilang tibay matapos pataubin ang Basilan Steel, 77-72, sa isang dikit na Play-In battle ng Maharlika Pilipinas Basketball League.
Matapos malampasan ang late-game scare ng Basilan, tuluyan nang nasungkit ng Tamaraws ang #7 seed sa MPBL playoffs, kung saan naghihintay ang #2 seed Biñan Tatak Gel.
Libu-libo ang naging saksi sa laban at nagsilbing dagdag sigla sa homegrown Tamaraws sa kauna-unahang MPBL game na ginanap sa Calapan City. Sinalubong naman ni City Mayor Doy Leachon at Vice Bim Ignacio ang mga manlalaro at fans, at nagpahayag ng pasasalamat sa MPBL sa pagpapaunlak na makarating ang liga sa lungsod ng Calapan.
Sa unang laro ng gabi, tinalo ng Zamboanga SiKat ang Imus Bandera, sa score na 86-61. Ngayon, isang hakbang na lang ang Mindoro Tamaraws tungo sa mas malalim na playoff run.
Tamaraws ang umalagwa, playoff na ang destinasyon. Mindoro ang inspirasyon, tagumpay ang kanilang misyon!