




Naging makabuluhan at siksik sa pagkilala, pagtatanghal, at pasasalamat ang isinagawang Monday Flag Raising Ceremony ngayong Lunes sa Lungsod ng Calapan, na sinabayan ng mga programang bahagi ng CGC 126th Philippine Civil Service Anniversary Celebration – Linggo ng Pasasalamat.
Isa sa mga tampok ng programa ang Service Loyalty Award para sa mga Child Development Workers bilang pagkilala sa kanilang matapat at matagal na paglilingkod sa mga batang Calapeño at sa kanilang mahalagang ambag sa komunidad.
Kinilala rin ang Longest Job Order Employee na kabilang sa hanay ng Street Sweeper ng CENRO Bilang pagkilala at pasasalamat sa napakahabang panahon ng serbisyo, pinagkalooban siya ni Calapan City Mayor Doy Leachon ng Permanent Position sa Pamahalaang Lungsod.
Kasabay nito, kinilala rin si Ms. Edna Madrigal bilang Oldest Job Order Employee ng City Government of Calapan.
Bahagi rin ng programa ang pagkilala sa Model Employee of the Month, na nagbibigay-pugay sa mga kawani na nagpapakita ng mahusay na pagganap, disiplina, integridad at dedikasyon sa kanilang tungkulin.
Iginawad din ang Lingkod Kaligtasan Award sa ilang departamento ng Pamahalaang Lungsod bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa pagpapanatili ng kaligtasan, kahandaan at kapakanan ng mga mamamayan ng Calapan.
Samantala, isang karangalan para sa Lungsod ng Calapan ang pagkilala kay Ms. Alliah Benedicte P. Sibayan, RN, isang registered nurse mula sa Luna Goco Colleges, na nakamit ang Top 9 sa nagdaang August 2026 Philippine Nurse Licensure Examination. Siya rin ay isang City Scholar, patunay ng bunga ng sipag, talento at suporta sa edukasyon ng kabataang Calapeño.
Pormal ding ipinakilala sa programa si Ms. Chady Carenan, ang Mutya ng Lungsod ng Calapan 2026, bilang kinatawan ng Lungsod ng Calapan sa Miss Oriental Mindoro. Bitbit niya ang karangalan at pagmamalaki ng mga Calapeño sa kanyang pagharap sa mas malawak na entablado.
Sa pangunguna ni Calapan City Mayor Doy Leachon, naging pagkakataon ang araw na ito upang kilalanin at parangalan ang mga Calapeño na namumukod-tangi sa talento, serbisyo, disiplina, galing at dedikasyon.
Ang Lunes na ito ay hindi lamang pagsisimula ng panibagong linggo ng paglilingkod, ito ay isang pagdiriwang ng mga taong patuloy na nagbibigay ng kanilang panahon, kakayahan at dedikasyon para sa Lungsod ng Calapan.