





Isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan, sa pangunguna ni Mayor Doy C. Leachon at Vice Mayor Bim Ignacio, ang Launching at MOA Signing ng Registry of Barangay Inhabitants and Migrants (RBIM) KASAMA KA: Bilang na Batid, Serbisyo’y Kalakip, Datos na Gabay, Pamahalaang Umaagapay! Isang mahalagang hakbang tungo sa mas organisado, mas episyente, at mas responsive na paghahatid ng serbisyo publiko para sa mga Calapeño.
Ang Registry of Barangay Inhabitants and Migrants (RBIM) ay isang programang pag-aari at inisyatiba ng Commission on Population and Development (CPD), na ibinaba sa mga lokal na pamahalaan para sa implementasyon bilang bahagi ng pagsusulong ng maayos, napapanahon, at mapagkakatiwalaang datos ng populasyon.
Sa Lungsod ng Calapan, ang pagpapatupad ng RBIM ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagtutulungan at koordinasyon ng CHSD sa pangunguna ni Dr. Basilisa Llanto – City Health Officer, at sa pamamagitan naman ni Dr. Ma. Teresita N. Bolor, City Population Officer-Designate, Management Information Systems sa pangunguna ni OIC Engr. Alven De Guzman, at City Planning and Urban Development Department sa pamamahala naman ni EnP. Joselito “Joey” Bautista, kasama ang barangay bilang katuwang sa implementasyon. Mainit na sinuportahan at personal din itong dinaluhan nina RD CPD MIMAROPA Dir. Adreal Denver Monterona at ARD OIC Mark Laurence Guilles. Samantala, si Engr. Sherwin Ricaflanca naman ang naging RBIM web application developer.
Mahalaga ang collaboration na ito sa pangunguna sapagkat ang RBIM ay hindi lamang isang simpleng sistema ng pagtatala. Sa pamamagitan ng magkakaugnay na kaalaman at kakayahan ng bawat tanggapan, mas napapalakas ang proseso ng pangangalap, pag-aayos, pamamahala, at paggamit ng datos para sa mas maayos na pagpaplano at paghahatid ng serbisyo.
Sa pamamagitan ng mas accurate at updated na datos tungkol sa mga naninirahan at migrants sa bawat barangay, mas nagiging malinaw kung saan at kanino higit na kinakailangan ang mga programa, serbisyo, at interventions ng pamahalaan.
Mahalaga ito para sa bawat Calapeño. Ang maayos na population data ay maaaring maging mahalagang batayan sa pagpaplano para sa serbisyong pangkalusugan, edukasyon, social protection, disaster preparedness, livelihood, pabahay, imprastraktura, at iba pang pangangailangan ng komunidad.
Higit pa rito, pinalalakas ng RBIM ang ugnayan ng CPD, Pamahalaang Lungsod, mga katuwang na tanggapan, barangay, at mga mamamayan upang mas maging organisado at coordinated ang pagpapatupad ng programa.
Sa kabuuan, ang RBIM ay hindi lamang tungkol sa pagbibilang at pagtatala. Ito ay tungkol sa pagkilala sa bawat mamamayan, pag-unawa sa pangangailangan ng bawat komunidad, at paggamit ng datos bilang gabay sa mas maayos na pagpaplano at paglilingkod.
Sa Calapan, kilala bawat mamamayan, mabilis na pagkilos—hatid ay maayos na serbisyo at paglilingkod.