Welcome to Calapan City!

Stronger Lupon. Stronger Barangay. Peaceful Community.

Isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan ang Katarungang Pambarangay Capacity Development and Skills Enhancement Program para sa 62 barangay sa lungsod, na may temang “Stronger Lupon. Stronger Barangay. Peaceful Community.”
 
Layunin ng programa na higit pang palakasin ang kakayahan, kaalaman, at kahusayan ng mga kasapi ng Lupong Tagapamayapa sa barangay kasama ang bawat Punong Barangay para sa maayos, makatarungan, at episyenteng pagresolba ng mga alitan sa antas-barangay.
 
Kabilang sa mga naging tampok na paksa ng pagsasanay ang KP Laws and Procedures, Documentation and KP Forms, Jurisdiction and Venue, Mediation and Conciliation, Effective Dispute Resolution, at iba pang mahahalagang usapin na may kaugnayan sa pagpapatupad ng Katarungang Pambarangay.
 
Ang naturang programa ay pinangunahan at isinagawa ng City Legal Department, sa pamamahala ni City Legal Officer Atty. Jesus Lasquite, katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pangunguna ni City Local Government Operations Officer Mr. Bob N. Forones, Jr.
 
Ayon kay City Mayor Doy C. Leachon, mahalaga ang mga ganitong capacity-building activity sapagkat ang isang mahusay at may sapat na kaalamang Lupon ay mahalagang katuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, kaligtasan, at paggalang sa karapatan ng bawat mamamayan ng Calapan.
 
Sa pamamagitan ng mas matatag na mekanismo sa pag-aayos ng sigalot, mas napapalapit ang serbisyo ng pamahalaan sa mga mamamayan at mas napapalakas ang tiwala sa proseso ng Katarungang Pambarangay. Higit sa paglutas ng mga alitan, ang ganitong programa ay bahagi ng patuloy na pagsusulong ng maayos, ligtas, makatarungan, at progresibong Calapan City.
 
— Author: Kate R. Redublo/CIO