




Isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan, sa pamamagitan ng City Veterinary Services Department sa pamamahala ni City Veterinarian Dr. Feby Dar C. Manglicmot, ang 2-Day Spay & Castrate Activity na may temang “Ang Pagsugpo sa Rabies ay Sama-sama, Hindi Kanya-kanya.”
Ginanap ang aktibidad Setyembre 10 at 11 sa Calapan City Plaza Pavilion, bilang bahagi ng MIMAROPA Initiative OrMin Leg 2026, na naglalayong palakasin ang mga hakbang para sa responsableng pag-aalaga ng mga hayop at pagpapanatili ng ligtas at malusog na komunidad. Sa tala, nasa 151 na aso at 227 na pusa ang nabigyang serbisyo ng City Vet, na umabot sa kabuoang bilang na 378.
Mahalaga ang mga ganitong inisyatibo sapagkat ang spaying at castration ay nakatutulong sa pagkontrol ng populasyon ng mga aso at pusa, pag-iwas sa pagdami ng mga hayop na maaaring mapabayaan, at pagsusulong ng mas responsable at makataong pangangalaga sa mga alagang hayop. Kasabay nito, ang mga programang pangkalusugan para sa hayop ay mahalagang bahagi ng mas malawak na kampanya laban sa rabies, isang sakit na maaaring magdulot ng panganib sa kapwa hayop at tao.
Nananatiling nakatuon ang City Veterinary Services Department sa kaligtasan, kalusugan at kapakanan ng bawat alagang hayop, gayundin sa mga responsableng pet owners at tagapag-alaga nito.
Dahil ang kaligtasan laban sa rabies ay hindi lamang responsibilidad ng iisa, ito ay sama-samang pananagutan ng pet owners, pamahalaan at komunidad.
— Author: Kate R. Redublo/CIO