Welcome to Calapan City!

Pamahalaang Lungsod ng Calapan, Pinagtitibay ang Mahusay na Pamamahala ng mga Talaan at Dokumento

Isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan, sa pamamagitan ng City Human Resource Management Department sa pangunguna ni CA Angel Navarro, ang Basic Records and Archives Management (BRAM) Seminar bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng kaalaman at kakayahan ng mga kawani sa wasto at sistematikong pamamahala ng mga opisyal na rekord at dokumento ng pamahalaan.
 
Layunin ng seminar na mapalawak ang kaalaman ng mga kalahok sa tamang paglikha, pag-aayos, pag-iingat, pag-iimbak, paggamit, at disposition ng mga rekord alinsunod sa mga itinakdang pamantayan at proseso.
 
Mahalaga ang ganitong pagsasanay upang matiyak na ang mga dokumento ng pamahalaan ay ligtas, organisado, madaling mahanap, at maayos na napapangalagaan bilang mahalagang sanggunian ng pamahalaan at ng komunidad. Nakakatulong din ito sa pagsusulong ng transparency, accountability, at mahusay na paghahatid ng serbisyo publiko.
 
Sa pamamagitan ng BRAM Seminar, patuloy na pinagtitibay ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan ang propesyonalismo at kahusayan ng mga kawani tungo sa mas organisado at responsableng pamamahala ng mga rekord para sa mas mahusay na serbisyo sa mga Calapeño.
 
— Author: Kate R. Redublo/CIO