




Isang makasaysayang hakbang tungo sa isang mas mabilis, maagap, organisado at maaasahang pagtugon sa oras ng emergency ang isinagawa ngayong Setyembre 11 sa Calapan City Central Emergency Operations Center, na matatagpuan sa Brgy. Calero, para sa opisyal na Launching of the CALAPAN CITY 911 – Emergency Response System.
Sa ilalim ng temang “ALERTO. TUGON at SERBISYO, SIGURADO!”, isinagawa ang makabuluhang paglulunsad sa pangunguna ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan, sa pamumuno nina City Mayor Doy C. Leachon at Vice Mayor Bim Ignacio, bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng isang lungsod na mas ligtas, handa at mabilis tumugon sa anumang uri ng sakuna, aksidente at emergency.
Ang Calapan City 911 – Emergency Response System ay isang mahalagang inisyatibo na naglalayong palakasin ang sistema ng emergency response ng lungsod upang matiyak ang mas mabilis at episyenteng pagresponde sa oras ng pangangailangan. Sa pamamagitan nito, higit na pinagtitibay ang adhikain ng lungsod na mapangalagaan ang buhay at kaligtasan ng bawat mamamayan.
Higit na naging makahulugan ang nasabing launching dahil sa mahalagang presensya at pakikiisa ng mga panauhing dumalo, gaya ni 1st District Representative Cong. Atty. Arnan C. Panaligan, Sangguniang Panlungsod, mga Department Heads, Program Managers at Office Head ng CGC at iba pa., na nagbigay ng dagdag na bigat at kabuluhan sa makasaysayang pagsisimula ng Calapan City 911.
Naroroon din si Calapan CPS COP PLTCOL Michael C. Caraggayan, FSINSP Rogelio O. Cabalse Jr. ng BFP Calapan, Mr. Bob N. Forones, Jr. City Local Government Operations Officer / OIC City Director DILG Calapan, at marami pang iba. Ang kanilang suporta ay nagsilbing patunay ng malawak na pagkakaisa at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor tungo sa pagkakaroon ng isang mas ligtas, mas handa at mas resilient na Calapan City.
Ang programang ito ay inisiyatibo at naisakatuparan sa pamamagitan ng City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD) sa pamamahala ni City DRRM Officer Dennis Escosora, katuwang ang mga dedicated responders at iba’t ibang indibidwal at institusyong nagsusulong ng disaster preparedness, emergency response at public safety sa lungsod.
Sa paglulunsad ng Calapan City 911, muling pinagtitibay ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan ang pangako nitong maghatid ng serbisyong mabilis, maagap, maaasahan at nakatuon sa kaligtasan ng bawat mamamayan.
— Author: Kate R. Redublo/CIO