




Isinagawa ngayong ika-11 ng Setyembre ang Special Recruitment Activity (SRA) sa tanggapan ng City Public Employment Service Office (PESO), sa pakikipagtulungan ng 1st Northern International Placement, Inc.
Layunin ng aktibidad na mabigyan ang mga Calapeñong jobseekers ng pagkakataong makapag-aplay at magkatagpo ng oportunidad sa trabaho, kabilang ang mga posibilidad para sa mga naghahangad na makapagtrabaho sa ibang bansa.
Ang programa ay pinamumunuan ni Dr. Eder Apolinar M. Redublo, City PESO Program Manager, na patuloy na nagsusulong ng mga programa at serbisyong makatutulong sa mga mamamayan sa kanilang paghahanap ng angkop, lehitimo, matatag at marangal na hanapbuhay.
Ang mga ganitong inisyatiba ng City PESO ay mahalagang bahagi ng pagsusulong ng kabuoang progreso at kaunlaran ng Calapan. Sa pagbubukas ng mas maraming oportunidad sa trabaho, nabibigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na magkaroon ng matatag na pinagkakakitaan, mapaunlad ang kanilang kakayahan, at mapabuti ang kalagayan ng kanilang mga pamilya.
Higit pa rito, ang pagkakaroon ng mas maraming oportunidad sa trabaho ay nakatutulong sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya. Ang isang mamamayang may disenteng hanapbuhay ay hindi lamang nakapagpapaunlad sa sarili at pamilya, kundi nakapag-aambag din sa patuloy na pag-unlad ng komunidad.
Sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan ng City PESO sa mga pribadong kompanya at recruitment agencies, patuloy na inilalapit sa mga Calapeño ang mga oportunidad na maaaring maging daan tungo sa mas matatag na kabuhayan, mas magandang kinabukasan, at mas maunlad na Calapan.
Trabaho para sa bawat Calapeño, hakbang tungo sa mas maunlad na Calapan!
— Author: Kate R. Redublo/CIO