Welcome to Calapan City!

CCAA SEASON 21 BEYOND THE LEGACY: POWER REDEFINED

Isang makasaysayan, makulay, at puno ng pasabog ang naging pagbubukas ng CCAA Season 21 ngayong September 9, 2026, na may temang “𝐁𝐄𝐘𝐎𝐍𝐃 𝐓𝐇𝐄 𝐋𝐄𝐆𝐀𝐂𝐘: 𝐏𝐎𝐖𝐄𝐑 𝐑𝐄𝐃𝐄𝐅𝐈𝐍𝐄𝐃!”.
 
Isang panawagan para sa bagong henerasyon ng mga atletang Calapeño na hindi lamang ipagpatuloy ang iniwang legacy, kundi ito ay higit pang palakasin, baguhin, at bigyang bagong kahulugan.
 
Lalong naging makasaysayan ang pagbubukas dahil ito ang kauna-unahang event na isinagawa sa bagong-bagong Calapan City Coliseum, na napuno ng sigawan, palakpakan, excitement at sportsmanship mula sa mga atleta, coaches, school heads and representatives at mga supporters.
 
Pinangunahan ang makabuluhang okasyon nina Mayor Doy C. Leachon at Vice Mayor Bim Ignacio, kasama ang buong Sangguniang Panlungsod, mga City Government Officials and concerned employees, at ang City Youth, Sports and Development Department (CYSDD) sa pamumuno ni Mr. Marvin Panahon na muling nanguna sa matagumpay na pagsasagawa ng CCAA na ngayon ay nasa ika 21 season na nito.
 
Pitong paaralan mula sa Lungsod ng Calapan ang nagtipon upang magtagisan ng husay, determinasyon at sportsmanship—Mindoro State University (MINSU) bilang host school, kasama ang CCC, DWCC, LGC, ACLC, SMARTII at SCMBT. Kasama ang kani-kanilang mga kinatawan, coaches, officials, at siyempre, ang mga atletang Calapeño na handang ibigay ang kanilang best sa bawat laro.
 
Mas naging bigatin at star-studded ang pagbubukas sa pagdating ng mga espesyal na panauhin na nagbigay ng dagdag na ningning sa makasaysayang okasyon. Ang volleyball superstar at nag-iisang “THE PHENOM” ALYSSA VALDEZ, FIDE-recognized CHESS GRANDMASTER MR. JOEY ANTONIO JR., at si 𝐉𝐀𝐎𝐂𝐇𝐄𝐍 𝐆𝐇𝐀𝐈𝐋 “𝐉𝐀𝐎” 𝐂𝐔𝐄𝐍𝐂𝐀, mahusay na setter ng Adamson Lady Falcons.
 
Isa rin sa mga tampok na bahagi ng opening ceremony ang grand ramp ng mga kandidato para sa Mr. and Ms. CCAA Season 21, na lalong nagbigay ng glamour, excitement at kulay sa selebrasyon.
Sa pagsisimula ng panibagong season, muling ipinapakita ng CCAA Season 21 na ang tunay na lakas ng isang atleta ay hindi lamang nasusukat sa panalo, medalya o tropeo. Ito ay nasusukat sa tapang na lumaban, disiplina na magpatuloy, at kakayahang lumikha ng sariling legacy.
 
Naging mahalaga rin ang presensya ng mga pinunong naglilingkod sa bayan at mga tagapagsulong ng kapakanan ng mamamayan na patuloy na nagbibigay-suporta sa mga makabuluhang layunin at programang para sa kabataan. Ang kanilang pakikiisa sa CCAA Season 21 ay patunay na sa likod ng bawat matagumpay na adhikain ay mga katuwang na handang maglaan ng suporta at malasakit upang makalikha ng mga makabuluhang pagkakataon para sa bawat Calapeño.
 
THIS SEASON, WE GO BEYOND WHAT HAS BEEN DONE BEFORE. WE REDEFINE WHAT POWER MEANS.
 
— Author: Kate R. Redublo/CIO