






Sa pagkakaisa ng layunin ng mga naglingkod at kasalukuyang namumuno, isang pangarap para sa Calapan ang tuluyang nagkaroon ng katuparan.
Isang bagong yugto para sa Calapan ang opisyal na binuksan ngayong Setyembre 9, 2026, sa isinagawang Official Blessing ng Calapan City Coliseum. Isang pasilidad na higit pa sa isang gusali, sapagkat sumasalamin ito sa isang pangarap na itinanim, inumpisahan, ipinagpatuloy, at sama-samang binigyang katuparan para sa bawat mamamayan.
Matatandaang sinimulan ang proyekto sa panahon ng panunungkulan nang noo’y ama ng lungsod ng Calapan, at ngayon ay kinatawan ng unang distrito, Cong. Atty. Arnan C. Panaligan, at ipinagpatuloy naman sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ni Mayor Doy C. Leachon, katuwang si Vice Mayor Bim Ignacio at ang buong Pamahalaang Lungsod ng Calapan.
Magkaiba man ang panahon ng kanilang pamumuno, nananatiling iisa ang layunin, ang kapakanan ng Calapeño at ang patuloy na pag-unlad ng Calapan kasabay ang pagbibigay ng makabago at maipagmamalaking tahanan para sa ating mga atletang Calapeño.
Dahil kapag ang mga nasimulang pangarap ay hindi itinuturing na pag-aari ng iisang administrasyon, kundi bilang pamana at pananagutan para sa susunod na henerasyon, mas nagiging posible ang mga bagay na minsang tila pangarap lamang.
Sa pagkakaisa ng layunin ng mga naglingkod noon at ng kasalukuyang administrasyon, pinatutunayan ng Calapan City Coliseum na kapag Calapan ang inuuna, kapag kapakanan ng mamamayan ang nagiging sentro, at kapag nagkakaisa ang layunin, tunay na kahit ano ay mabibigyang katuparan.
At walang mas makabuluhang unang kabanata para sa bagong tahanang ito kundi ang pagbubukas ng CCAA Season 21, kung saan nagtipon ang mga atletang mula sa iba’t ibang paaralan sa lungsod upang ipakita ang kanilang husay, tapang, disiplina, gilas at diskarte sa court.
Lalo pang naging makasaysayan ang pagbubukas sa pagdalo ng volleyball icon na si “The Phenom” Alyssa Valdez, na nakibahagi sa pagsisimula ng bagong yugto ng CCAA at sa bagong tahanan ng mga atletang Calapeño.
Isang pangarap na sinimulan, pinagtulungan upang maisakatuparan!
— Author: Kate R. Redublo/CIO