Welcome to Calapan City!

PROTEKTADONG MANGGAGAWA: Proteksyon Para sa Bawat Tagapagtaguyod ng Kalinisan ng Lungsod

Isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan, sa pamumuno ni Mayor Doy C. Leachon at Vice Mayor Bim Ignacio, ang Ceremonial Distribution of Personal Protective Equipment (PPEs) para sa 300 garbage collectors, street sweepers, at sanitary landfill-caretakers ng lungsod.
 
Kabilang sa mga ipinamahaging PPEs ang customized long-sleeve shirts, protective gloves, rain boots, raincoats, reflectorized vests, face masks, at iba pang kagamitang pananggalang na makatutulong upang mapanatiling ligtas ang mga manggagawa habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
 
Sa pamamagitan ng City Environment and Natural Resources Department sa pamamahala ni Sir Willy Landicho, layunin ng programang ito na higit na mapalakas ang kaligtasan at kapakanan ng mga frontliner ng kalinisan ng lungsod.
 
Hindi lamang simpleng kagamitan ang PPEs. Ito ay mahalagang proteksyon laban sa mga panganib na maaaring makaharap ng ating mga manggagawa. Mula sa maruming kapaligiran, matutulis o mapanganib na bagay, alikabok at mikrobyo, hanggang sa matinding sikat ng araw at pabago-bagong panahon.
 
Ang mga garbage collectors, street sweepers, at sanitary landfill caretakers ay kabilang sa mga tahimik na nagsisilbi upang mapanatiling malinis, maayos, at ligtas ang Calapan. Sa bawat araw na sila ay nasa lansangan at lugar ng pangongolekta at pagtatapon ng basura, nakataya rin ang kanilang kalusugan at kaligtasan.
 
Sa pagbibigay ng sapat na PPEs, ipinapakita ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan ang pagkilala na ang kalinisan ng lungsod ay nagsisimula sa pangangalaga sa mga taong araw-araw na nag-aalaga nito. Dahil ang bawat tagapangalaga ng Calapan ay nararapat ding mapangalagaan.
 
— Author: Kate R. Redublo/CIO