Welcome to Calapan City!

ZUMBAYANI: MALING OKASYON, TAMANG AKSYON! (126TH PHILIPPINE CIVIL SERVICE ANNIVERSARY KICK-OFF)

Bawat Kawani, Lingkod Bayani: Puso, Dangal, at Galing Para sa Bayan
 
Naka-pantulog? CHECK! Pang-swimming? CHECK! Pang-hiking? CHECK! Pang-fishing? CHECK! Pang-graduation? CHECK! Pangkasal? CHECK! Naka-evening gown? CHECK! Posturang naka-confine sa ospital? CHECK! At may naka-bathrobe pa na parang katatapos lang maligo! CHECK NA CHECK!
 
Talagang game na game ang mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan sa ZUMBAYANI 2026, isang masayang pakulo ng City Human Resource Management Department at nagsilbing kick-off activity ng pagdiriwang ng 126th Philippine Civil Service Anniversary ngayong unang araw ng Setyembre sa City Hall Grounds.
 
Sa pangunguna nina Calapan City Mayor Doy C. Leachon at Vice Mayor Bim Ignacio, nakiisa ang mga department heads, office heads, program managers at mga kawani sa temang “Maling Okasyon, Tamang Aksyon!”
 
Ang pagdiriwang ngayong taon ay isinasagawa sa ilalim ng tema ng Civil Service Commission (CSC) Anniversary na “Bawat Kawani, Lingkod Bayani: Puso, Dangal, at Galing Para sa Bayan,” na nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng bawat lingkod-bayan sa paghahatid ng tapat, mahusay at makabuluhang serbisyo sa mamamayan.
 
Iba-iba man ang kanilang kasuotan, iisa ang energy—sabay-sabay na nag-zumba, nagpawis at naki-indak! Patunay na hindi lamang sa serbisyo publiko maaasahan ang mga empleyado ng City Government, kundi maging sa pakikiisa, pagiging malikhain at pagpapasaya.
 
Tampok din ang Commitment Signing, bilang pagpapakita ng sama-samang paninindigan ng mga kawani na patuloy na maglilingkod nang may puso, dangal at galing, alinsunod sa diwa ng tema ng pagdiriwang.
 
Dahil ang bawat kawani ay may mahalagang ambag sa pagtataguyod ng isang mahusay at maaasahang pamahalaan—mga lingkod-bayang nagkakaisa, nagtutulungan at may malasakit, para sa kapakanan ng bawat Calapeño.
 
Bawat Kawani, Lingkod Bayani—Puso, Dangal, at Galing Para sa Bayan!
 
— Author: Kate R. Redublo/CIO