




P – Pagkalinga sa Ina at Sanggol
L – Ligtas na Pagbubuntis at Panganganak
U – Unang 1,000 Araw ng Buhay
S – Suporta sa Pagpapasuso at Pagpaplano ng Pamilya
Isinagawa ngayong Setyembre 1, 2026 ang Buntis Congress PLUS 2026 ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan sa pangunguna ng City Health and Sanitation Department, sa pamamahala ni City Health Officer Dr. Basilisa M. Llanto.
Tampok sa naturang aktibidad ang mga mahahalagang talakayan at gawaing nakatuon sa Antenatal Care, Unang 1,000 Araw ng Buhay, Sabayang Hakab, pagpapasuso, pagpaplano ng pamilya, at iba pang usaping mahalaga sa kalusugan at kapakanan ng mga buntis, ina, at kanilang mga sanggol.
Buong suporta naman ang ipinakita nina Mayor Doy C. Leachon at Vice Mayor Bim Ignacio sa makabuluhang programa, bilang pagpapakita ng patuloy na pagtutok ng Pamahalaang Lungsod sa kalusugan at kaligtasan ng mga ina at sanggol sa lungsod ng Calapan.
Sa pamamagitan ng Buntis Congress PLUS, nabibigyan ang mga ina at magiging ina ng angkop na kaalaman, gabay, at serbisyong makatutulong upang maging mas ligtas ang kanilang pagbubuntis at panganganak, gayundin ang maayos na pangangalaga sa kanilang mga sanggol sa mahalagang unang 1,000 araw.
Personal ding nagtungo at nakiisa sa nasabing makabuluhang aktibidad si VG Atty. CA Jojo Perez, bilang pagpapakita ng kanyang suporta sa mga programang naglalayong pangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng mga ina at sanggol, sa buong lalawigan.
Higit sa isang programa, ang aktibidad na ito ay isang pamumuhunan sa malusog na ina, malusog na sanggol, at matatag na pamilyang Calapeño. Sa patuloy na pagbibigay-prayoridad sa maternal at child health, ipinakikita ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan na ang bawat ina at bawat bata ay mahalaga at may karapatang tumanggap ng ligtas, dekalidad, at makataong serbisyong pangkalusugan.
— Author: Kate R. Redublo/CIO