




Matagumpay na sinimulan ngayong araw ang unang bahagi ng tatlong araw na seminar na may temang “Project Planning to Payment: An Integrated Seminar on AIP Preparation, Budget Development, Procurement, and Financial Document Processing”, na dinaluhan ng mga opisyal at kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan.
Pinangunahan ang nasabing pagsasanay ng City Human Resource Management Department (CHRMD). Kabilang sa mga isinagawa ang acknowledgment, seminar overview, at opening remarks ni City Administrator Angel M. Navarro, Officer-in-Charge ng CHRMD.
Nagbigay rin ng mensahe si City Mayor Atty. Doy C. Leachon, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng mahusay na pagpaplano, tamang pagbubuo at paglalaan ng budget, at maayos na pamamahala ng pananalapi upang matiyak ang episyente at transparent na pagpapatupad ng mga programa at proyekto ng pamahalaang lungsod.
Sa unang sesyon, tinalakay ng Urban Planning and Development Department ang Government Planning Framework and Project Development Cycle, kung saan ipinaliwanag ang wastong proseso ng pagpaplano at pagbuo ng mga proyekto mula sa konsepto hanggang sa implementasyon.
Isinagawa naman ang ikalawang session na nakatuon sa Preparation of the Annual Investment Program (AIP) at Writing Effective Project Proposals. Binigyang-pansin dito ang kahalagahan ng maayos na paghahanda ng AIP at ang pagsulat ng malinaw at epektibong project proposal bilang batayan ng mga programang ipatutupad ng lokal na pamahalaan.
Samantala, pinangunahan naman ng City Budget Department ang ikatlong session tungkol sa Budget Proposal Preparation Based on the Approved AIP, kabilang ang paghahanda ng mga panukalang budget para sa operating expenditures, capital outlays, special projects, at iba pang kinakailangang budgetary documents.
Bilang bahagi ng unang araw, nagsagawa rin ng Workshop ang mga kalahok para sa paghahanda ng project proposal at kaukulang budget sa pangunguna ng Urban Planning and Development Department at City Budget Department. Tinapos ang programa sa Presentation of Outputs at Open Forum, kung saan naibahagi ng bawat grupo ang kanilang mga output at nagkaroon ng talakayan upang higit pang mapalalim ang pag-unawa sa mga paksang tinalakay.
Inaasahang magpapatuloy sa susunod na dalawang araw ang seminar sa layuning higit pang mapalakas ang kakayahan ng mga kawani ng pamahalaan sa larangan ng pagpaplano, pagbu-budget, procurement, at wastong pagproseso ng mga dokumentong pinansyal para sa mas mahusay na serbisyo publiko para sa mga Calapeño.
— Author: Kate R. Redublo/CIO