



Sa oras na tumama ang kalamidad, bawat minuto ay mahalaga. Kaya naman tuloy-tuloy ang paghahanda ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan upang matiyak na mabilis, maayos, at wasto ang magiging pagtugon sa anumang sakuna.
Sa ilalim ng pamumuno nina Calapan City Mayor Doy C. Leachon at Vice Mayor Bim Ignacio, sinimulan ngayong Martes, Hulyo 21, ang apat na araw na Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) Training para sa mga miyembro ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) sa Feraren Hills Resort, na tatagal hanggang Hulyo 24.
Layon ng pagsasanay na hasain ang kakayahan ng mga responder at katuwang na ahensya sa mabilis na pangangalap ng datos, wastong pagtatasa ng pinsala, at agarang pagtukoy sa pangangailangan ng mga apektadong komunidad upang mas mapabilis ang paghahatid ng tulong at serbisyo sa oras ng kalamidad at iba’t-ibang emergency.
Kabilang sa mga paksang tinalakay ang Basic DRRM Concepts, RDANA, Data Gathering, Assessment, Analysis, Reporting, Simulation Exercises, EOC Briefing, Course Evaluation, Post Exam, at Training Evaluation.
Nagbahagi ng kanilang kaalaman at karanasan ang mga resource speakers na sina Maria Aiza Siason ng OCD MIMAROPA, Nieves Bonifacio, DRRM Practitioner, John Bosco Quilit ng MDRRMO Occidental Mindoro, Mannylyn Guevarra ng PDRRMO Oriental Mindoro, at SF04 Lizelda Reyes ng Bureau of Fire Protection–Victoria, na nagbigay ng mga praktikal na kaalaman at estratehiyang magagamit ng mga kalahok sa mga aktuwal na sitwasyon.
Pinangunahan ang naturang pagsasanay ng City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD) sa pamumuno ni DRRM Officer Dennis Escosora, bilang bahagi ng patuloy na layunin ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan na bumuo ng isang lungsod na laging handa, mabilis umaksyon, at matatag sa harap ng anumang hamon.
— Author: Kate R. Redublo/CIO