Masiglang ipinagdiwang ng City Government of Calapan, sa pangunguna nina Mayor Doy C. Leachon at Vice Mayor Bim Ignacio, ang 52nd Nutrition Month Celebration sa pamamagitan ng City Health and Sanitation Department sa pamamahala ni Dr. Basilisa Llanto, City Health Officer, katuwang ang Calapan City Nutrition Section sa pamumuno ni CNAO Glenda M. Raquepo, RN, at personal ding dinaluhan ni konsehal Jun Cabailo Jr.
Sa temang “Nutrisyon at Kalikasan Ating Pangalagaan,” matagumpay na isinagawa ng Cluster 2 ang selebrasyon sa Brgy. Wawa Covered Court, kung saan nagsama-sama ang iba’t ibang sektor sa mga gawaing nagtataguyod ng malusog na pamumuhay at pangangalaga sa kalikasan. Tampok sa programa ang Mangrove Tree Planting, Provision of Hot Meals, NSOA Graduation, NUTRIbingo, at iba pang makabuluhang aktibidad na naghatid ng kaalaman, saya, at inspirasyon sa mga kalahok.
Patunay ang pagdiriwang na ang wastong nutrisyon at pangangalaga sa kalikasan ay magkaugnay na pundasyon ng isang malusog, matatag, at maunlad na komunidad. Sa bawat punlang itinatanim, masustansyang pagkaing naihahain, at aral na naibabahagi, higit na napagtitibay ang sama-samang adhikain ng Lungsod ng Calapan na pangalagaan ang kalusugan ng mamamayan at ang kalikasan para sa mas ligtas at mas magandang kinabukasan.
— Author: Kate R. Redublo/CIO