



Patuloy na pinagtitibay ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan, sa pamumuno ni Mayor Doy C. Leachon, katuwang ang Calapan City Public Employment Service Office (PESO) at ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang kanilang pagtutulungan upang mailapit sa mga Calapeño ang serbisyong Passport on Wheels sa pamamagitan ng Document Evaluation, Encoding, and Payment.
Tuluy-tuloy na naihahatid ang maayos, episyente, at organisadong serbisyo sa mga aplikanteng nakapag-secure ng kanilang Passport on Wheels (POW) slot noong unang araw ng Hulyo. Mula sa pagsusuri ng mga dokumento, encoding, hanggang sa proseso ng pagbabayad, naging maayos ang daloy ng aktibidad sa tulong ng koordinasyon ng mga kawani ng Calapan City PESO at ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Kapansin-pansin din ang magaan at maayos na takbo ng aktibidad, kung saan mababanaag sa mga aplikante ang kasiyahan at ginhawa habang isinasagawa ang bawat hakbang ng kanilang passport application.
Nakatakdang isagawa bukas ang huling araw ng Document Evaluation, Encoding, and Payment para sa mga aplikanteng napabilang sa nasabing programa.
— Author: Kate R. Redublo/CIO