Makukulay na ngiti, kakaibang kasuotan, at makabuluhang aral ang bumungad sa pagdiriwang ng Nutrition Month 2026 na may temang “Nutrition at Kalikasan, Ating Pangalagaan.”
Pormal na sinimulan ang programa sa pamamagitan ng Opening Remarks ni Mr. Pedro Mendoza, ACPC-CDSPG President, na nagbigay-inspirasyon sa lahat na maging katuwang sa pagtataguyod ng wastong nutrisyon at pangangalaga sa ating kalikasan.
Nagbahagi rin ng mahalagang mensahe si Madam Juvy Bahia, RSW, CSWDO, tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng malusog na pangangatawan at malinis na kapaligiran bilang pundasyon ng mas magandang kinabukasan ng bawat bata.
Samantala, nagbigay rin ng mensahe si Ms. Joanne Leynes, CTID OIC, na naghimok sa lahat na ipagpatuloy ang mga programang nagsusulong ng kalusugan, kalikasan, at aktibong partisipasyon ng komunidad.
Isa sa mga tampok na bahagi ng programa ang Eco-Nutri Fashion Show, kung saan rumampa ang mga batang ACPC suot ang kanilang malikhaing kasuotang yari sa mga recycled at eco-friendly na materyales, na pinaganda pa ng mga disenyo ng masustansyang prutas, gulay, at iba pang simbolo ng wastong nutrisyon.
Tunay na pinatunayan ng mga bata na ang pagiging malusog at makakalikasan ay maaaring pagsabayin sa saya, talento, at pagkamalikhain. Isang pagdiriwang na puno ng kulay, kaalaman, at inspirasyon para sa mas malusog at luntiang kinabukasan!
— Author: Kate R. Redublo/CIO