


Masigla at puno ng enerhiya ang isinagawang Zumba Dance Competition ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan noong ika-8 ng Hulyo sa Calapan Civic Park, bilang bahagi ng pagdiriwang ng 12th KALAKALAPAN.
Pinangunahan ng City Trade and Industry Department sa pamamahala ni CTID OIC Ms. Joanne Leynes ang naturang aktibidad, katuwang ang Calapan City Agricultural Services Department (CASD) sa pamumuno naman ni CASD OIC Madam Pam Rago.
Nakiisa at nagpakitang-gilas ang mga Rural Improvement Club (RIC) mula sa iba’t ibang barangay ng Lungsod ng Calapan. Ipinamalas ng bawat grupo ang kanilang husay, disiplina, at sigla sa pagsasayaw, na nagbigay ng hamon sa mga piling hurado sa pagpili ng mga natatanging pagtatanghal. Kapansin-pansin ang talento, dedikasyon, at sportsmanship na ipinakita ng lahat ng kalahok.
Higit pa sa isang paligsahan, naging daan ang Zumba Dance Competition upang mapagtibay ang samahan, pagkakaisa, at positibong ugnayan ng mga kalahok. Ipinakita ng bawat grupo ang kanilang suporta sa isa’t isa, na nagpapatunay na ang tunay na layunin ng aktibidad ay hindi lamang ang pagkapanalo, kundi ang pagbibigay ng saya, inspirasyon, at magandang karanasan sa bawat isa.
Ang mga ganitong inisyatiba ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan, sa pangunguna nina Mayor Doy C. Leachon at Vice Mayor Bim Ignacio, ay patunay ng patuloy na malasakit at suporta sa kabuoang kapakanan ng mga mamamayan ng Calapan.
— Author: Kate R. Redublo/CIO