Sama-sama sa nutrisyon, sama-sama sa pangangalaga ng ating kalusugan at kalikasan!
Isang masustansya, makabuluhan, at makakalikasang selebrasyon ang naging hudyat ng opisyal na paglulunsad ng 52nd Nutrition Month ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan ika 6 ng Hulyo sa Caluangan Lake, Brgy. Tawagan, Calapan City.
Sa pangunguna nina City Mayor Doy C. Leachon at Vice Mayor Bim Ignacio, sa pamamagitan ng City Health and Sanitation Department (CHSD) sa mahusay na pamamahala ni City Health Officer Dr. Basilisa Llanto, sama-samang isinulong ang adbokasiya ng wastong nutrisyon at pangangalaga sa kalikasan sa ilalim ng temang: “Nutrisyon at Kalikasan, Ating Pangalagaan” kasabay ng panawagan at paalala sa mga Calapeño na Kumain ng Masustansya, Balanse at Sapat na Pagkain Araw-araw.
Naging tampok rito ang iba’t ibang makabuluhan at makakalikasang aktibidad na naglalayong palawakin ang kamalayan ng bawat Calapeño sa kahalagahan ng wastong nutrisyon at pangangalaga sa kapaligiran. Kabilang dito ang Linis-Lawa Clean-up Drive, Nutri Boat Contest, at E-Kusina Zero Waste Cooking Contest, na nagpakita ng malikhaing pagsasama ng maayos na kalusugan, responsableng pamumuhay, kasabay ang pangangalaga sa kalikasan.
Naging highlight din ng programa ang Signing of the 2026 Nutrition Month Pledge of Commitment, kung saan sama-samang ipinahayag ng mga opisyal ng lungsod sa pangunguna nina CNAO Glenda Raquepo RN at Hon. Jun Cabailo Jr., mga kinatawan ng iba’t ibang tanggapan, at mga katuwang na sektor ang kanilang buong suporta at pangakong patuloy na isusulong ang mga programang nagtataguyod ng wastong nutrisyon, mas mabuting kalusugan, at pangangalaga sa kalikasan para sa bawat pamilyang Calapeño.
Muling pinatunayan ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan na ang pagtataguyod ng malusog na mamamayan ay kaakibat ng pangangalaga sa malinis at luntiang kapaligiran. Sa sama-samang pagkilos ng pamahalaan at ng bawat mamamayan, maisusulong ang isang Calapan na may sapat na nutrisyon, mayamang kalikasan, at mas maunlad na kinabukasan.
— Author: Kate R. Redublo/CIO