





Matagumpay na isinagawa ang 12th KALAKALAPAN Trade Fair Opening Ceremony ng City Trade and Industry Department (CTID) sa pangunguna ni Ms. Joanne Leynes, OIC-CTID, na naglalayong bigyang-diin ang husay, pagkamalikhain, at pagsisikap ng mga lokal na negosyante at micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ng Lungsod ng Calapan.
Dinaluhan din ang makabuluhang kaganapan ni Regional Director Amormio “Joey” CJS Benter ng Department of Trade and Industry (DTI) – MIMAROPA, na patuloy na sumusuporta sa mga programang nagpapalakas sa sektor ng kalakalan at industriya sa buong lalawigan.
Ang naturang trade fair ay naisakatuparan sa pamamagitan ng mainit na suporta ni City Mayor Doy C. Leachon kasama si Vice Mayor Bim Ignacio, bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng mga programa para sa pag-unlad ng lokal na ekonomiya.
Higit pa sa isang pamilihan ng mga produkto, ang KALAKALAPAN Trade Fair ay nagsisilbing daan upang mabigyan ng mas malawak na oportunidad ang mga negosyanteng Calapeño na maipakilala ang kanilang mga produkto, mapalawak ang kanilang merkado, makalikha ng mas maraming ugnayan sa mamimili, at mapalago ang kanilang kabuhayan.
Sa pamamagitan ng ganitong mga inisyatiba, patuloy na pinapalakas ang kultura ng pagnenegosyo sa Calapan—isang hakbang tungo sa mas matatag, masigla, at inklusibong pag-unlad ng lungsod.
— Author: Kate R. Redublo/CIO