Masayang sinalubong ng mga bata sa Barangay Ibaba East ang pagdating ng Library on Wheels na muling naghatid ng saya, kaalaman, at makabuluhang aktibidad ngayong panahon ng bakasyon.
Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng edukasyon sa lungsod, prayoridad ni Mayor Doy C. Leachon ang pagbibigay ng mga programang makatutulong sa paghubog ng kaalaman at magandang gawi ng mga kabataang Calapeño. Sa pamamagitan ng City Library, patuloy na umiikot ang Library on Wheels upang ilapit ang pagbabasa at pagkatuto sa iba’t ibang barangay.
Ayon kay City Librarian Ms. Claire Benter, nakatuon ang programa sa “reading enhancement” ng mga bata upang higit pang malinang ang kanilang kakayahan sa pagbabasa at pag-unawa. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagbabawas ng oras sa paggamit ng gadgets at paghikayat sa mga kabataan na gawing libangan ang pagbabasa ng libro upang madagdagan ang kanilang kaalaman at pagkamalikhain.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang Sangguniang Barangay ng Ibaba East kay Mayor Doy C. Leachon at sa City Library para sa patuloy na paghahatid ng mga programang may positibong epekto sa mga kabataan ng komunidad.
Sa kabila ng bakasyon, nagpapatuloy ang pag-ikot ng Library on Wheels upang magdala ng saya at inspirasyon sa pagkatuto para sa mga batang Calapeño.


















