Naghatid ng ngiti sa labi ang Pamahalaang Lungsod ng Calapan sa mga kabataang mag-aaral sa pamamagitan ng isinagawang school supplies distribution na pinangunahan nina Mayor Doy C. Leachon at Vice Mayor Bim Ignacio, kasama ang Sangguniang Panlungsod.
Sa kabuoan, 17,000 mag-aaral mula Kinder hanggang Grade 6 at 2,000 daycare children sa mga pampublikong paaralan ang naging benepisyaryo ng nasabing programa. Ito ay naisakatuparan sa pamamagitan ng City Education Department sa pangunguna ni Ms. Marvie Mañibo, MPM – CED OIC, at Mr. Allan Paigao DepEd SGOD.
Ayon kay Mayor Leachon, mahalaga ang ganitong hakbang upang masuportahan ang pag-aaral ng mga kabataan at matiyak na sila ay handa sa pagbubukas ng klase. Dagdag pa niya, ang pamumuhunan sa edukasyon ay pamumuhunan sa maayos na kinabukasan ng mga kabataan at ng buong kalungsuran.
Malaki rin ang naitutulong ng programang ito sa mga magulang dahil nababawasan ang kanilang gastusin at mas napapalakas ang motibasyon ng mga bata na mag-aral.
Patunay ito na patuloy ang pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan na itaguyod ang dekalidad na edukasyon para sa bawat kabataang Calapeño, tungo sa mas maayos na bayan sigurado.
(Kate R. Redublo/CIO)





















