Welcome to Calapan City!

Rabies Vaccination, Pinalakas ng Pamahalaang Lungsod para sa Kaligtasan ng mga Calapeño

Isinagawa ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni Calapan City Mayor Doy C. Leachon ang isang malawakang anti rabies vaccination, sa pangunguna ng Calapan City Veterinary Services Department sa ilalim ng pamamahala ni Dr. Feby Dar C. Manglicmot, City Veterinarian.
Layunin ng nasabing aktibidad na maprotektahan ang mga mamamayan ng Calapan at ng kanilang mga alagang hayop laban sa rabies, isang nakamamatay na sakit na maaaring maipasa mula sa hayop patungo sa tao sa pamamagitan ng kagat o laway. Ayon sa City Vet, mahalaga ang regular na pagbabakuna upang mapigilan ang pagkalat ng rabies sa komunidad.
Dumagsa ang mga residente mula sa iba’t-ibang barangay upang pabakunahan ang kanilang mga alaga, bilang pakikiisa sa kampanya ng lungsod para sa responsableng pag-aalaga ng hayop. Nagbigay rin ng paalala ang mga beterinaryo ukol sa tamang pangangalaga, pagbabakuna, at agarang aksyon sakaling makagat ng hayop.
Binigyang-diin ng pamahalaang lungsod na ang pagsasagawa ng ganitong aktibidad ay napakahalaga, lalo na’t nananatiling banta ang rabies sa kaligtasan ng publiko. Dahil ang rabies ay halos 100% na nakamamatay kapag hindi naagapan, at ang wastong pagbabakuna sa mga alagang hayop ang isa sa pinakamabisang paraan upang maiwasan ito.
Patuloy ang panawagan ni Mayor Doy at ng City Vet sa lahat ng pet owners na makiisa sa mga programang tulad nito upang mapanatiling ligtas at rabies-free ang lungsod ng Calapan.
#AksyonAgadII
#MaayosnaBayanSigurado
#RabiesFreeCity
(Kate R. Redublo/CIO)