CALAPAN CITY, Oriental Mindoro — Matagumpay na isinagawa ang quarterly meeting ng mga miyembro ng PESO Managers Association of Oriental Mindoro, Inc., na naglalayong palakasin ang koordinasyon at higit pang mapahusay ang paghahatid ng serbisyo sa publiko.
Dinaluhan ng mga Public Employment Service Office (PESO) Managers, at sa nasabing pulong ay tinalakay ang mahahalagang usapin tulad ng updates sa kanilang mga kasalukuyang programa, follow-up ng mga nakaraang aktibidad at commitments, TUPAD updates, 4th DOLE-PESO YEPA, at ang paghahanda para sa nalalapit na Regional PESO Congress.
Ayon kay Calapan City PESO Manager Dr. Eder Apolinar M. Redublo, isa rin sa mga naging pokus ng pagpupulong ang strategic planning, kung saan nagbahagi ang mga kalahok ng kanilang mga ideya at best practices upang mas mapalakas ang implementasyon ng mga programang pang-empleyo, lalo na sa gitna ng patuloy na pagbabago sa labor market.
Ayon kay Calapan City Mayor Doy C. Leachon, mahalaga ang pagsasagawa ng regular na pagpupulong upang masigurong napapanahon ang impormasyon sa bawat tanggapan, masubaybayan ang progreso ng mga programa, at mapagtibay ang ugnayan at kooperasyon ng bawat miyembro.
Sa kabuuan, ang isinagawang quarterly meeting ay nagsilbing mahalagang plataporma upang mapag-isa ang mga layunin ng PESO Managers at patuloy na maiangat ang kalidad ng serbisyong pang-empleyo sa Oriental Mindoro.
Matagumpay na naisagawa ang pagpupulong dahil sa aktibong pagdalo ng mga myembro ng PMAOMI, DOLE MIMAROPA, TESDA Regional Office at iba pang kinauukulang opisina at indibidwal. Naging mahalagang susi ang kanilang kooperasyon at bukas na pagpapalitan ng mga ideya upang makamit ang layunin ng nasabing pagpupulong.
Sama-sama tungo sa mas epektibo at mas maayos na serbisyo publiko!
#AksyonAgadII
#MaayosnaBayanSigurado
(Kate R. Redublo/CIO)









