Isinagawa ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang pamamahagi ng tulong sa ilalim ng Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSAP), Phase 1 Emergency Response para sa mga pamilyang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Dante at Emong.
Sa naturang aktibidad, kabuoang 107 benepisyaryo ang nakatanggap ng Emergency Shelter Support na nagkakahalaga ng nasa mahigit kumulang 1.2M, na nakalaan para sa mga pamilyang may ganap at bahagyang nasirang mga tahanan. Ayon kay CHUSD Officer Engr. Redentor Reyes Jr., layunin ng programang ito na matulungan ang mga naapektuhan na muling makabangon at makapagsimula sa pag-aayos ng kanilang mga tirahan matapos ang pinsalang dulot ng kalamidad.
Naniniwala si Calapan City Mayor Doy C. Leachon, mahalaga ang ganitong uri ng programa dahil nagbibigay ito ng agarang tulong sa mga pamilyang nawalan ng matitirhan o nasira ang bahay. Hindi lamang nito tinutugunan ang pisikal na pangangailangan sa tirahan, kundi nagbibigay rin ito ng pag-asa at lakas ng loob sa mga nasalanta upang muling bumangon mula sa sakuna.
Dagdag pa rito, ang mga ganitong ayuda ay nagpapakita ng malasakit ng pamahalaan sa kapakanan ng mamamayan, lalo na sa panahon ng sakuna. Sa pamamagitan ng tulong-pinansyal, napapabilis ang rehabilitasyon ng mga komunidad at naiiwasan ang mas matagal na paghihirap ng mga apektadong pamilya.
Patuloy namang hinihikayat ng DHSUD ang pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya at sektor upang mas mapalawak pa ang abot ng ganitong mga programa at mas marami pa ang matulungan sa oras ng pangangailangan.
#AksyonAgadII
#MaayosnaBayanSigurado
(Kate R. Redublo/CIO)











