Husay na Tunay, Galing Walang Kapantay: Kababaihan ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan, Matatag na Sandigan
Isinagawa nitong ika-24 ng Marso sa Kalap Covered Court ang makabuluhang selebrasyon ng Women’s Month sa pangunguna ng GAD Office na pinamamahalaan ni Ma. Ellaine Diomampo, Gad Focal Person, na may temang “Pagkilala, Ginhawa at Saya Handog kay Lingkod Juana.” Ang aktibidad ay laan bilang isang araw ng pagkilala, kagalingan, kaayusan, pagkakaisa, at pagpapalakas ng samahan o camaraderie ng mga kababaihan ng CGC.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, naglaan ang GAD Office ng iba’t ibang pampering session tulad ng zumba, manicure, pedicure, at haircut—mga gawaing nagbigay hindi lamang ng saya kundi pati na rin ng pagkakataon para sa pagpapahinga at pag-aalaga sa sarili ng bawat kababaihan ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan.
Sa okasyong ito, muling binigyang-diin ni City Mayor Doy C. Leachon ang napakahalagang papel ng kababaihan sa pagpapanatili ng maayos, organisado, at episyenteng pagbibigay ng serbisyo publiko sa lungsod. Kinikilala ang kanilang dedikasyon, sipag, at malasakit na tunay na nagsisilbing haligi ng isang matatag na pamahalaan.
Ang mga ganitong gawain ay hindi lamang simpleng pagdiriwang, kundi isang mahalagang hakbang upang mapalakas ang kumpiyansa, kalusugan, at ugnayan ng mga kababaihan sa City Government of Calapan. Ito rin ay paalala na ang pagkilala at pagpapahalaga sa kanilang ambag ay dapat isinasabuhay hindi lamang tuwing Women’s Month, kundi sa bawat araw.
Sa Calapan, ang kababaihan ay hindi lamang katuwang—sila ay inspirasyon, lakas, at pag-asa ng patuloy na pag-unlad ng lungsod!
#AksyonAgadII
#MaayosnaBayanSigurado
#HandogkayLingkodJuana
(Kate R. Redublo/CIO)











