Isang gabing hitik sa saya, musika, at di malilimutang karanasan ang nasaksihan ng libu-libong Mindoreño sa matagumpay na pagsasagawa ng Grand Celebrity Concert ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan ika-21 ng Marso sa OMNHS Grandstand. Bahagi ito ng makulay na pagdiriwang ng Kalap Festival 2026 at ng ika-28 anibersaryo ng pagiging lungsod ng Calapan.
Nagningning ang entablado sa lakas ng hiyawan at palakpakan ng mga dumalo, habang dama ang kakaibang excitement na bumalot sa lugar. Tunay ngang walang paglagyan ng galak ang mga naroon. Mga pamilyang nagtipon-tipon, magkakaibigan at mga kabataang walang sawang naki-jam sa bawat tugtogan. Pasasalamat naman sa City Tourism Culture and Arts Office sa pamamahala ni Mr. Christian Gaud, at kanilang mga naging katuwang, dahil sa matagumpay na pagsasagawa ng ganitong kaganapan.
Itinampok sa nasabing konsiyerto ang pagdating ng mga hinahangaang artista, lalo na ang legendary Filipino, singer-songwriter na si Ely Buendia at ang patok na performer at record-breaking 2024 Filipino pop-hit artist na si MAKI. Nagpakitang gilas din ang ilan sa maipagmamalaking local band ng lungsod, sa nasabing concert. Hindi naman nagpahuli ang mga Calapeño—di napaos kaka-jam sa bawat kanta, sabay-sabay na kinanta ang mga paboritong hitsongs na tila ba naging soundtrack ng kanilang buhay, at ang ilan ay “nagrelapse” pa!
Ayon kina Calapan City Mayor Doy C. Leachon at Vice Mayor Bim Ignacio, ang nasabing concert ay munting handog ng pamahalaang lungsod para sa bawat Calapeño bilang pasasalamat sa kanilang walang tigil na pakikipagtulungan tungo sa patuloy na kaunlaran ng Calapan. Kasama din sa nakiisa ang 10th Sangguniang Panlungsod sa pamumuno ni City Vice Mayor Bim Ignacio, Provincial Vice Governor Atty. CA Jojo Perez, 1st District Board Member Hon. RL Leachon, 2nd District Congressman PA Umali, mga pinuno at kawani ng Pamahalaang Panlungsod, at ang mga Calapeño, naging isang gabi ito ng musika, saya, at pagkakaisa—isang selebrasyong nag-iwan ng di malilimutang alaala sa lahat.
Sa huli, ang gabing iyon ay hindi lamang basta concert—bagkus, isa itong makulay na selebrasyon ng pagtutulungan, pagkakaisa, at bayanihan ng mga Calapeño. Isang patunay na sa Calapan, ang bawat tagumpay ay ipinagdiriwang nang sama-sama, may ngiti sa labi at pasasalamat sa bawat isa ang siyang namumutawi.
#AksyonAgadII
#MaayosnaBayanSigurado
#BawatIsaMahalaga
#KalapFestival2026
#GrandCelebrityConcert
(Kate R. Redublo/CIO)











