





Kulay, Kultura at Kasiyahan: Tampok sa Kumpetisyon ng City College of Calapan
Bumida sa kulay at galaw ang City College of Calapan sa Feast of the Pacific Festival Dance Competition, tampok ng Kalap Festival 2026 at pagdiriwang ng ika-18 anibersaryo ng City College of Calapan. Makukulay na kasuotan, masisiglang galaw, at malikhaing sayaw ang nagpasigla — tunay na pagpapakita ng kultura at saya!
Higit sa indak at kulay, ipinakita rin ng CCC ang kalidad ng edukasyon na hinuhubog ang kabataang Calapeño tungo sa matagumpay na kinabukasan. Sa bawat hakbang at kumpas ng musika, ramdam ang dedikasyon, talento, at pag-asa, isang makulay at inspiradong selebrasyon ng kultura at edukasyon sa dalubhasaan.
Sa nasabing pagtitipon sa pagdiriwang ng 18th Founding Anniversary ng City College of Calapan, itinampok din ang CCC Exhibit at ilan pang aktibidad na nagpakita ng galing, talento, disiplina at husay ng mga City Collegians, na pinangunahan ni City College Administrator Dr. Ronald Cantos.
Sa pagdiriwang, ibinahagi ni Calapan City Mayor Doy C. Leachon ang kanyang malinaw na bisyon na nag-ugat pa sa kanyang mga mithiin para sa kabataang Calapeño halos dalawang dekada na ang nakalipas. Ipinahayag niya ang kanyang matibay na hangarin na higit pang itaas ang kalidad ng edukasyon at palawakin ang mga oportunidad para sa mga estudyante.
Dumalo rin si Vice Mayor Bim Ignacio at Konsehala Genie Fortu sa nasabing aktibidad, at ibinahagi ang kanilang taos-pusong suporta, kasama ang buong Sangguniang Panlungsod, para sa mga programang pang-edukasyon ng mga kabataang Calapeño.
Binanggit rin ni Vice Mayor Bim na isa sa kanilang pangunahing prayoridad ang maging katuwang ng mga kabataan sa kanilang pag-abot ng tagumpay.