Welcome to Calapan City!

BULILIT DAY 2026

Bata – Bulilit, Saya Ay Sulit!
 
Maliit man ang mga paa, malalaki naman ang hakbang patungo sa magandang kinabukasan!
 
Napuno ng tawanan, kulay, at walang kapantay na enerhiya ang ginanap na Bulilit Day na nilahukan ng mga masisiglang mag-aaral mula sa iba’t ibang Child Development Centers sa lungsod ng Calapan.
 
Maagang nagsidating ang mga batang kalahok, suot ang kani-kanilang makukulay na kasuotan at may baon na ngiti na siyang higit na nagpasaya ng buong paligid. Tampok sa programa ang makukulay na presentasyon na tunay na nagpakita ng talento at kumpiyansa ng mga batang “bulilit.”
 
Ayon kay Calapan City Mayor Doy C. Leachon, sa kabila ng kanilang murang edad, pinatunayan ng mga batang kalahok na ang saya, talento, at sigla ay walang sukat — dahil sa araw na ito, ang mga bulilit ng Calapan ang siyang tunay na bida!
 
Hindi rin nagpahuli ang mga magulang at guro sa pagsuporta sa kanilang mga anak. Makikita sa kanilang mga mukha ang tuwa at pagmamalaki habang pinapanood ang bawat pagtatanghal ng mga chikiting.
 
Ipinahatid naman ni CSWDO Madam Juvy Bahia RSW, na layunin ng Bulilit Day na bigyang pagkakataon ang mga batang nasa Child Development Program na maipakita ang kanilang kakayahan sa pakikipagkaibigan, pakikipagtulungan, at pagpapahayag ng sarili sa isang masayang kapaligiran. Naroroon at personal din nakibahagi sa kasiyahan at nagbigay ng suporta si City Councilor Genie Fortu.
 
Sa pagtatapos ng programa at Calisthenics Competition, nag-uwi ang bawat bata ng masasayang alaala, bagong kaibigan, at inspirasyon upang patuloy na mangarap at matuto.