






Diwa ng Pagtutulungan, Tampok sa Coop Day Celebration ng Calapan
Masayang ipinagdiwang sa Lungsod ng Calapan ang Coop Day bilang bahagi ng pagdiriwang ng Kalap Festival at ng ika-28 anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod ng Calapan. Ang aktibidad ay nagsilbing pagkilala sa mahalagang papel ng mga kooperatiba sa pagpapaunlad ng kabuhayan, pagpapalakas ng pagkakaisa sa komunidad, at pagtulong sa ekonomiya ng lungsod.
Pinangunahan ang nasabing programa ni Calapan City Mayor Doy C. Leachon, CCCDO OIC – Ms. Eleanor V. Collera, at SP Committee on Coops Chairperson Hon. Rius Agua. Dinaluhan ang programa ng mga miyembro ng iba’t ibang kooperatiba na patuloy na nagsusulong ng diwa ng pagtutulungan sa lungsod, katuwang ang pamahalaang lungsod sa pagsuporta sa paglago at pag-unlad ng sektor ng kooperatiba.
Layunin ng pagdiriwang na kilalanin ang malaking ambag ng mga kooperatiba sa paglikha ng kabuhayan, pagpapalakas ng bayanihan, at pagbibigay ng serbisyong pinansyal sa kanilang mga miyembro. Ipinakita rin sa programa ang kahalagahan ng pagtutulungan bilang daan tungo sa sama-samang pag-unlad ng lungsod ng Calapan.
Ilan pa sa mga naging bahagi ng pagdiriwang ay ang Feeding of 60 Daycare Children, Distribution of School Supplies, Infographics Contest, Awarding of Financial Assistance to five (5) Coops, Recognition and Awarding of Women Coop Leaders at marami pang iba.
Sa patuloy na suporta ng pamahalaang lungsod at aktibong partisipasyon ng mga miyembro, inaasahang lalo pang magiging matatag at maunlad ang sektor ng kooperatiba sa Lungsod ng Calapan.