






Isinagawa ng Pamahalaang Lungsod sa pamumuno ni City Mayor Doy C. Leachon ang isang Anti-Rabies Information Dissemination bilang bahagi ng pinalakas na kampanya para sa kaligtasan at kalusugan ng komunidad.
Pinangunahan ang nasabing aktibidad ng Calapan City Veterinary Services Department sa pamamahala ni Dr. Feby Dar C. Manglicmot – City Veterinarian, na patuloy na nagsusulong ng mga programang naglalayong maiwasan at tuluyang masugpo ang rabies sa lungsod.
Ipinagpasalamat naman ng Ibaba West Elementary School ang pagbisita sa kanila ng Pamahalaang Lungsod at ng City Vet, gayundin sa kaalaman na anila ay napaka halaga para sa kanilang mga mag-aaral.
Tinalakay sa seminar ang tamang pag-iwas sa rabies, kahalagahan ng pagpapabakuna ng mga alagang hayop, at ang responsableng pangangalaga sa mga ito. Binigyang-diin na ang rabies ay isang mapanganib ngunit maiiwasang sakit kung may sapat na kaalaman at agarang aksyon.
Sa sama-samang pagkilos, mas napapalakas ang kampanya laban sa rabies at mas napapanatiling ligtas at malusog ang buong lungsod.