







ALAGA CALAPAN: MALUSOG NA KATAWAN TUNGO SA MAAYOS NA CALAPAN
Heart Month Celebration 2026
Isinusulong ni Calapan City Mayor Doy C. Leachon ang pagkakaroon ng malusog na mamamayan bilang pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon. Naniniwala siya na higit na mainam ang pag-iwas sa sakit kaysa sa pagdanas ng hirap at pagod sa pagpapagamot—isang malinaw na pagsasabuhay ng katagang “Prevention is better than cure.”
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Heart Month 2026, matagumpay na isinagawa ang isang malawakang aktibidad pangkalusugan sa ilalim ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan. Pinangunahan ito ng City Health and Sanitation Department sa pamamahala ni City Health Officer Dr. Basilisa Llanto.
Bilang City Health Officer, hindi tumitigil si Dr. Basilisa Llanto sa pagsusulong ng mabuting kalusugan ng bawat Calapeño. Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na mga programa, kampanya, at serbisyong medikal ng City Health and Sanitation Department, patuloy niyang pinatitibay ang adhikain ng lungsod na gawing prayoridad ang kalusugan—sapagkat ang isang malusog na mamamayan ang pundasyon ng isang maunlad na Calapan.
Masusing inorganisa ang programa ni Non-Communicable Diseases Cluster Medical Coordinator Dr. Von Lyndon M. Hidalgo, upang higit na mapalawak ang kaalaman ng mga mamamayan hinggil sa mga karaniwang sakit na may kaugnayan sa puso at lifestyle.
Naging tampok sa programa ang mga iginagalang na guest key speakers na sina Dr. Kathleen Corpuz-Mendoza, Dr. Mercy Madla-Ramos, Dr. Eunis Crystia Suzara-Masaga, Dr. Ingrid Julia Redublo Priela, at Dr. Jocelyn Muli Marcos.
Tinalakay nila at pinalawig ang kaalaman ng mga dumalo tungkol sa Hypertension, Heart Attack, at Diabetes Mellitus—mga sakit na kabilang sa pangunahing sanhi ng pagkakasakit at pagkamatay saan mang panig ng bansa.
Binigyang-diin ng mga tagapagsalita ang kahalagahan ng tamang nutrisyon, regular na ehersisyo, pag-iwas sa bisyo, at maagang pagpapakonsulta upang maiwasan ang komplikasyon.
Dumalo rin at nakiisa upang magpakita ng suporta si Committee on Health Chairperson Konsehal Jun Cabailo, na nagpahayag ng patuloy na pakikiisa ng Sangguniang Panlungsod sa mga programang pangkalusugan sa Calapan.
Sa kabuuan, ang Heart Month Celebration 2026 ay matibay na paalala na ang pangkalahatang kalusugan ay posibleng makamtan, sa pamamagitan ng wastong kaalaman, responsableng lifestyle at disiplina sa sarili.