






Ang pakiramdam ng kaligtasan sa komunidad, tahanan, at lipunang ginagalawan ay pangunahing karapatan ng bawat mamamayan. Upang masiguro ito, nagtipon ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa Lungsod ng Calapan para sa 1st Quarterly Joint Council Meeting. Layunin ng pagpupulong na pagtibayin ang kaayusan, kaligtasan, at kapakanan ng publiko sa pamamagitan ng mas maayos na koordinasyon at konkretong mga hakbang.
Dumalo ang mga kinatawan mula sa CSWD, CDRRMD, PSD, Philippine National Police, AFP, Bureau of Fire Protection, Philippine Drug Enforcement Agency, Bureau of Jail Management and Penology at iba pang konsernadong opisina at ahensya, upang talakayin ang peace and order, kampanya kontra ilegal na droga, kahandaan sa sakuna, fire safety, mga programang panlipunan, at ilan pang napapanahong isyu na kailangang tutukan. Pinangunahan ni CA Angel Navarro at EnP. Joselito R. Bautista CDPC/Council Secretary, ang naturang pagpupulong na isinagawa sa Calapan City Convention Center, ika 23 ng Pebrero.
Binigyang-diin sa pagpupulong ang kahalagahan ng koordinasyon at bukas na komunikasyon. Sa pamamagitan ng dayalogo, napagtibay ang mga alituntunin, nabalangkas ang mga programa, at napagkasunduan ang konkretong hakbang upang higit pang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga Calapeño.
Naniniwala si Calapan City Mayor Doy C. Leachon na ang sama-samang pagkilos at pagtutulungan ng bawat sektor ang siyang susi sa isang lungsod na mas ligtas, mas maayos, at mas maunlad.